MANILA, Philippines – Tiniyak ng Department of Agrarian Reform (DAR) na mas pinalakas pa ang ugnayan ng DAR at Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) sa pamamagitan ng paglagda at pag-renew ng mga marketing agreements na magbibigay ng mas matatag na pamilihan para sa mga produkto ng Agrarian Reform Beneficiaries (ARBs) habang sinusuportahan ang pagkain ng persons deprived of liberty (PDLs).
Sa ilalim ng Partnership Against Hunger and Poverty (PAHP) program, magkakaroon ng tiyak na merkado ang mga samahan ng magsasaka na tinutulungan ng DAR para sa kanilang mga ani. Makakatulong ito upang mapataas ang kanilang kita at mapalakas ang kanilang kabuhayan.
Sinabi ni Provincial Agrarian Reform Program Officer (PARPO) Atty. Emaculada Concepcion S. Mendoza, mahalaga ang matibay na ugnayan ng mga ahensya ng pamahalaan upang matulungan ang mga ARB habang natutugunan din ang pangangailangang nutrisyon ng mga PDL.
Sa naturang aktibidad, kinilala rin ng DAR ang tatlong BJMP units na may pinakamataas na benta ng mga produkto ng ARBO noong 2025, bilang pagkilala sa kanilang suporta sa mga lokal na magsasaka.
Kasama rin sa programa ang paglagda sa Memorandum of Understanding (MOU) at pag-renew ng marketing agreements sa pagitan ng DAR, BJMP, Dayapan Multi-Purpose Cooperative, Lucban Multi-Purpose Cooperative, at iba pang mga katuwang. Layunin nitong palawakin ang merkado ng mga magsasaka at higit pang palakasin ang mga negosyo ng ARBs.
Kaugnay nito binigyang-diin nina PARPO Atty. John Erick M. Sawal at BJMP Regional Director Isabelo V. Cartin Jr., na ang ganitong partnership ay nagtataguyod ng pag-unlad—suporta sa kabuhayan ng mga magsasaka habang tinitiyak ang tuloy-tuloy na suplay ng masustansyang pagkain para sa mga PDL.
Samantala sa pamamagitan ng mas pinatibay na ugnayan, patuloy na tinutulungan ng DAR ang mga ARB na mapalawak ang kanilang merkado at madagdagan ang kita, habang tinitiyak naman ng BJMP ang tuloy-tuloy na suplay ng sariwa at lokal na pagkain para sa mga PDL. Santi Celario