Home NATIONWIDE Makabayan, humihiling ng konkretong aksyon sa oil crisis hearings

Makabayan, humihiling ng konkretong aksyon sa oil crisis hearings

148
0

MANILA, Philippines – Hinimok ng mga mambabatas mula sa Makabayan bloc ang House of Representatives na tiyaking magreresulta sa konkretong solusyon ang nalalapit na joint hearings tungkol sa oil crisis, at hindi lamang pansamantala o “publicity-driven” na hakbang.

Sa pahayag nina ACT Teachers Rep. Antonio Tinio, Gabriela Rep. Sarah Elago, at Kabataan Rep. Renee Co, sinabi nilang dapat magbunga ang panawagan ni Speaker Faustino Dy III ng mga batas na magpapababa ng presyo at magtatapos sa deregulasyon ng industriya ng langis.

“What the people need is urgent, decisive legislation that directly lowers prices, stops profiteering, and dismantles the failed deregulation framework that has enabled cartel behavior for decades,” the Makabayan lawmakers said.
“We cannot have a joint hearing specially catered to for the cartels; it should be for the people.”

Iminungkahi rin nila na unahin ang pagtalakay sa pagpapawalang-bisa ng Republic Act No. 8479 o ang Oil Deregulation Law, at ang pagpapatupad ng mga reporma para sa agarang tulong at pangmatagalang solusyon.

Kabilang sa mga panukala ang regulasyon ng presyo ng langis, mas malinaw na paglalantad ng kita ng oil companies, centralized procurement para maiwasan ang manipulasyon ng presyo, at muling pagnasyunalisa ng Petron upang maprotektahan ang publiko.

Samantala, inanunsyo ni Dy na 10 komite ng Kamara ang magsasagawa ng joint hearings matapos ang Semana Santa upang pag-isahin ang aksyon ng gobyerno kaugnay ng krisis sa Gitnang Silangan at epekto nito sa langis.

“We are holding these joint hearings to make sure that the initiatives of the Legislative branch are coordinated with the Executive and are properly targeted and forward-looking,” Dy said.

Nauna nang kinuwestiyon ng ilang mambabatas ang oil companies kung bakit agad silang nagtataas ng presyo kahit luma pa ang kanilang stock. Ayon kay Marikina Rep. Miro Quimbo, maaaring kailangan nang repasuhin ang oil deregulation law.

Sinabi rin ng Makabayan na dapat harapin sa hearings ang umano’y “market abuse,” kung saan mabilis ang taas-presyo pero mabagal ang rollback.

Patuloy na binabatikos ang gobyerno dahil sa umano’y kakulangan ng aksyon sa pagtaas ng presyo ng langis. Umabot na sa ikaapat na sunod na linggo ang pagtaas ng presyo, kung saan nasa P140 kada litro ang diesel at P95 hanggang P105 ang gasolina.

Ilang mambabatas at grupo ng manggagawa rin ang kumondena sa Malacañang sa pagsasabing wala pang krisis sa kabila ng mataas na presyo.

Bilang tugon, inanunsyo ng pamahalaan na bubuo ng crisis committee para sa suplay ng langis at iba pang bilihin.

Nilagdaan din ni Ferdinand Marcos Jr. ang batas na magpapahintulot na suspendihin ang excise tax sa langis (P10 kada litro ng gasolina at P6 sa diesel), ngunit hindi pa malinaw kung kailan ito ipatutupad.

Sa ilalim ng Senate Bill No. 1982, maaari lamang itong gawin kung irerekomenda ng economic cluster at Energy secretary kapag lumampas sa $80 kada bariles ang presyo ng Dubai crude oil sa loob ng isang buwan.

Dahil sa taas-presyo, mas maraming motorista ang lumilipat sa pampublikong transportasyon, na nakapagpapagaan ng trapiko ngunit nagpapataas naman ng bilang ng pasahero sa mga bus, tren, at iba pang sasakyan. RNT/MND

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here