Home TOP STORIES Lalaki kinasuhan sa pagbenta sa asawa sa 120 katao

Lalaki kinasuhan sa pagbenta sa asawa sa 120 katao

134
0

STOCKHOLM, Sweden – Isang tagausig sa Sweden ang nagsampa ng kaso nitong Lunes laban sa isang lalaki na inakusahan ng pagsasamantala sa kanyang “vulnerable” na asawa upang makipagtalik sa ibang lalaki kapalit ng pera, na umabot sa humigit-kumulang 120 katao ang sangkot sa kaso.

Ayon sa ulat, kinasuhan ang 62-anyos na suspek ng aggravated pimping, maraming kaso ng rape, at assault. Ang kaso ay ikinukumpara sa kilalang French case ni Gisele Pelicot, kung saan ang asawa niyang si Dominique Pelicot ay nahatulan noong 2024 matapos aminin na paulit-ulit niyang nilalasing at pinapayagan ang ibang lalaki na gumahasa sa kanya habang wala sa malay.

Ayon sa mga imbestigador, inaresto ang suspek noong Oktubre matapos isumbong ng kanyang asawa sa pulisya sa hilagang Sweden. Mula noon, nananatili siya sa kustodiya.

Sinabi sa kaso na sa loob ng ilang taon, pinipilit umano ng lalaki ang kanyang asawa na makipagtalik at sumunod sa mga sexual acts upang kumita ng pera.

Gumawa rin umano siya ng online ads, nag-ayos ng mga meet-up, nagbantay habang may aktibidad, at pinilit ang babae sa mga online sexual acts upang makahikayat ng mas maraming kliyente.

Ayon sa prosekusyon, gumamit din siya ng karahasan, pagbabanta, at sinamantala ang adiksyon ng babae sa droga, at siya pa mismo ang nagbigay ng droga.

Tinawag ng prosecutor na “ruthless exploitation” ang ginawa.

Sa Sweden, ilegal ang pagbili ng sex ngunit hindi ang pagbebenta nito, pero bawal ang pag-facilitate o pag-aayos ng sex transactions.

Bukod sa pimping, kinasuhan din ang lalaki ng walong kaso ng rape, apat na attempted rape, at apat na assault. Kabilang dito ang mga insidente kung saan pinilit umano ang babae sa online sexual acts kahit tumanggi siya.

Ayon sa prosecutor na si Ida Annerstedt, bagama’t “to some extent” pumayag ang babae na magbenta ng sex, may mga pagkakataon na hindi siya pumayag ngunit pinilit pa rin.

“There are certain boundaries she has had. When he hasn’t respected them, when he has steamrolled her after she has said ‘no’, those are the situations when he is charged with attempted rape, or rape,” ayon kay Annerstedt.

Sinabi rin na may mga banta umano ang lalaki, kabilang ang pagbanggit ng “the monster” bilang pananakot.

Naganap umano ang mga insidente mula Agosto 11, 2022 hanggang Oktubre 21, 2025, at nakatakda ang paglilitis sa Abril 13.

Tinatayang 120 katao ang natukoy na posibleng bumili ng sex services, at 26 na lalaki na ang kinasuhan na.

Ayon sa abogado ng biktima na si Silvia Ingolfsdottir, umaasa ang kanyang kliyente na makakamit ang hustisya matapos ang “serious and aggravated crimes” na dinanas niya.

Iniulat din ng Swedish media na ang suspek ay dating mataas na miyembro ng Hells Angels biker group.

Ang kaso ay nagdulot ng matinding shock sa Sweden, at sinabi ng Minister for Gender Equality na si Nina Larsson na dapat itigil ng mga lalaki ang pagbili at pagbebenta ng katawan ng kababaihan, at tinawag niyang “shocking and disgusting” ang insidente. RNT/MND

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here