Home NATIONWIDE Recruitment agency sa Binondo ipinasara ng DMW, CIDG

Recruitment agency sa Binondo ipinasara ng DMW, CIDG

128
0

MANILA, Philippines – Ipinasara ng Department of Migrant Workers (DMW) katuwang ang mga tauhan ng Criminal Investigation Detection Group (CIDG) ang isang recruitment agency sa Binondo, Maynila nitong Martes ng hapon.

Ayon kay Atty. Eric Dollete at Atty. Rommel Abang ng DMW Protection Bureau, ipinasara ang Maxilum Recruitment Agency na nag-oopisina sa Room 604 sa ika-anim na palapag ng Tytana Plaza sa Tytana Street sa Binondo, Maynila alinsunod na rin sa tagubilin ng Pangulong Bongbong Marcos Jr at DMW Secretary Hans Leo Cacdac na paigtingin ang kampanya laban sa ilegal recruitment.

Sinabi ni Dollete na iligal na nagrerecrut ng mga Pinoy OFW ang Maxilum Recruitment Agency papuntang Japan, New Zealand, kasama na rin ang Australia bilang mga factory worker.

Aniya walang lisensya mula sa DMW ang agency para makapagpadala ng OFW sa ibat-ibang bansa bukod pa sa tinataga ang mga aplikante ng placement fees na umaabot sa mahigit P100 libong piso.

Ayon pa kay Dollete, ang may-ari ng recruitment agency ay dati na ring nasangkot at naaresto sa isang enrapment operation kasama ang kanyang fiance na isa umanong Russian national na kasalukuyan na ring iniimbestigahan.

Ang sistema ng pagrerecruit umano ng may-ari ng agency ay sa pamamagitan ng online platform o Tiktok kung saan nila iniengganyo ang kanilang mga bibiktimahin aplikante.

Sinabi naman ni Atty. Abang na ang ipinasara ng ahensya ay walang kaukulang lisensya kaya yung pangako nito sa mga aplikante na mapapaalis ay hindi totoo dahil wala silang kaukulang permit o license mula sa DMW para makapagpaalis sa legal na paraan.

Dagdag pa niya, nasa 40 aplikante na ang nagreklamo at inaasahan pa aniyang dadami pa kapag nabalitaan nilang ipinasara ang naturang recruitment agency.

Kabilang sa humarap sa pagpapatupad ng closure notice sa naturang recruitment agency ang dalawang OFW na nabiktima nito na sina Mercy Limbo at Neresa Abendano na kapwa naloko at nakapagbigay ng pera ngunit hanggang ngayon ay hindi pa napapaalis.

Nanawagan naman ang DMW sa publiko na magtungo sa kanilang opisina para matulungan para makapaghain ng reklamo laban sa illegal recruitment. Jocelyn Tabangcura-Domenden

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here