MANILA, Philippines – Muling nagsagawa ng eleksyon para sa mga bagong opisyal ang Manila City Hall Press Club (MCHPC), na isa sa pinakamatandang organisasyon ng mga mamamahayag sa bansa, nitong nakaraang Biyernes, Marso 27, 2026.
Sa naganap na eleksyon, naitalaga bilang Pangulo ng MCHPC si Ms. Jocelyn Domenden-Tabangcura na reporter ng Police Files Tonite habang ang nagbabalik na opisyal at dating Pangulo ng nasabing organisasyon na si JR Reyes, reporter at kolumnista sa pahayagang REMATE at Remate Online, ay nailuklok bilang Bise-Presidente.
Nanatili naman sa kani-kanilang pwesto sina Gene Adsuara ng People’s Balita bilang Kalihim at Emmanuel Mortega II ng DZXL bilang Ingat Yaman habang nanalo naman bilang Auditor si Archie Amado ng Radyo Aguila.
Nakuha naman ng beteranong reporter at kolumnista ng People’s Tonight at People’s Journal na si Edd Reyes ang pinakamataas na bilang para sa Director katuwang ang kilalang Anchor broadcaster at reporter ng Radyo Pilipinas na si Lorenz Tanjoco.
Sumunod na nakakuha ng may pinakamataas na bilang ay sina radio reporter Felix Laban ng DZME at ang kinikilalang reporter saan man sulok ng bansa na si Patrol 24 Jun Samson ng DWIZ.
Napabilang din sa mga Director sina DZBB reporter Manny Vargas at ang mga bagito ngunit bihasa na sa paghahatid ng balita na sina Pot Chavez ng Manila Standard, Bombo Radyo reporter na si Grant Hilario, ang Justin Bieber ng Radyo Pilipinas na si DK Zarate at DZMM radio reporter/anchor na si Steve Raz.
Nagsilbi naman bilang Comelec o tagapangasiwa ng eleksyon ang mga kinatawan ng National Press Club of the Philippines (NPC) na sina Director Dennis Napule at Director Jun Mendoza habang naging saksi sa kaganapan si NPC Director Gina Mape ng DWWW.
Ang naturang kaganapan ay sinaksihan naman ng mga beteranong reporter at kasalukuyang Adviser ng MCHPC na sina NPC Director at Radio reporter Aya Yupangco; DWAD anchor Archbishop Jemba Basco at DZRH reporter The Legendary Boy Gonzales.
Ang MCHPC ay isa sa pinakamatandang samahan ng mga mamamahayag sa bansa na itinatag noon pang 1950’s. Ang nasabing samahan ay binubuo ng mga lehitimong reporter mula sa radyo, dyaryo, online, at telebisyon na nagkokober sa lahat ng kaganapan na nangyayari sa Manila City Hall na pinamununuan nina Mayor Isko Moreno Domagoso at Vice Mayor Chi Atienza. JAY Reyes







