BULACAN, Philippines – Pinag-iingat ng kinauukulan ang mga mananampalataya lalo na ang mga magpapapako sa krus ngayong kasagsagan ng Semana Santa.
Ayon sa ulat ng Bulacan Provincial Health Office (PHO)-Public Health nitong Lunes, Marso 30, pinaalalahanan nila ang mga mananampalataya gaya ng mga magpepenitensya na malinis ang kanilang mga gagamiting pamalo.
Kinakailangan din umanong ma-sterilize ang mga pakong gagamitin sa pamamagitan ng pagbabad sa alcohol.
Pinasisiguro ng tanggapan na walang kalawang at ingatang hindi madumihan ang pakong gagamitin sa pagpapako.
Nabatid din na dapat ay linisin at gamutin ang mga sugat na dulot ng penitensiya ng malinis na sabon, tubig at magpabakuna ng anti-tetano bago magpenitensya.
Kaugnay nito, pinaalalahanan din ang mga magbibisita Iglesia o dadalaw sa mga simbahan na dalhin ang mga pangunahing pangangailangan.
Makakabuti rin na magdala ng kaukulang pagkain, tubig, pamaypay, mini fan, payong, sunscreen, sumbrero at siguruduhing maayos ang kondisyon ng sasakyan, kalagayan ng driver at planuhing mabuti ang destinasyon para iwas-aberya sa biyahe.
Kaugnay nito, mas makakabuting manatili sa bahay ang mga buntis, matatanda, may mga sakit at siguraduhing bakunado ang nakakahalubilo para na rin sa ligtas na Semanta Santa. (Dick Mirasol III)