MANILA, Philippines – Pinag-aaralan ng House of Representatives ang panukalang “Bayanihan 3” na layong tugunan ang epekto ng patuloy na pagtaas ng presyo ng langis, ayon kay Marikina 2nd District Rep. Miro Quimbo.
Sa ilalim ng panukala, magkakaroon ng cash aid program na uunahin ang mga nasa transport sector na direktang naaapektuhan ng taas-presyo ng gasolina at diesel.
Ayon kay Quimbo, mahalagang matukoy kung sino ang makatatanggap ng ayuda, paano ito ipamamahagi, at kung magkano ang pondo na ilalaan.
Giit niya, hindi lamang ito nakatuon sa cash assistance, kundi pati sa pangmatagalang solusyon gaya ng pagbawas ng pag-asa sa langis at paglipat sa renewable energy at electric vehicles.
Nakasaad din na maaaring gamitin ang panukala upang mapabagal ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin na apektado ng oil price hike.
Nakatakda ang unang pagdinig sa panukala sa Abril 8. RNT/MND