HABANG patuloy ang pagtaas ng presyo ng langis at mga pangunahing bilihin, mas ramdam ng karaniwang Pilipino ang bigat ng araw-araw na pamumuhay. Bawas biyahe, tipid sa pagkain, at paghigpit sa bawat sentimo—ito ang reyalidad ng nakararami. Ngunit kapansin-pansin na tila hindi ito nararanasan ng ilang opisyal ng pamahalaan.
Patuloy pa rin ang paggamit ng mga escort vehicle at convoy na hindi lamang magastos sa gasolina kundi nagpapakita rin ng agwat sa pagitan ng lider at mamamayan. Hindi lingid sa kaalaman ng publiko na ang pondong ginagamit para sa mga sasakyang ito ay nagmumula sa kaban ng bayan. Ibig sabihin, habang ang taumbayan ang naghihirap sa taas ng presyo ng krudo, sila rin ang nagbabayad sa hindi kinakailangang gastos ng iilan.
Hindi maikaiila na may mga pagkakataong kinakailangan ang security escort. Subalit sa panahon ng krisis, nararapat lamang na suriin kung alin ang mahalaga at alin ang maaaring ipagpaliban. Ang patuloy na paggamit ng convoy sa kabila ng sitwasyon ay hindi lamang isyu ng gastos, kundi malinaw na kakulangan sa malasakit at disiplina sa paggamit ng pondo ng bayan.
Panahon ngayon ng Semana Santa dapat ay maging isang yugto ito ng pagninilay-nilay, sakripisyo, at pagbabalik-loob. Ito ang panahon kung saan inaanyayahan ang bawat isa na magnilay sa tunay na kahulugan ng paglilingkod at kababaang-loob.
Sa ganitong diwa, higit na inaasahan sa mga lingkod-bayan na ipakita ang pagiging simple at pagiging malapit sa mamamayan, hindi ang pagpapakita ng kapangyarihan sa pamamagitan ng pagyayabang ng kanilang estado sa buhay. Dapat silang makisama at iwasan ang paggamit ng mga convoy at sirena.
Ang pamumuno ay hindi nasusukat sa dami ng sasakyang sumusunod o sa lakas ng busina sa kalsada. Nasusukat ito sa kakayahang makiramay at makibahagi sa sakripisyo ng mamamayan. Kung ang ordinaryong Pilipino ay nagtitiis at nagsasakripisyo, hindi ba’t nararapat lamang na gawin din ito ng mga nasa pwesto o kapangyarihan?
Ngayong panahong ito ng pagninilay, nawa’y magsilbing paalala ang krisis na kinakaharap ng bayan. Hindi sapat ang mga salita. Kinakailangan ang kongkretong aksyon tulad ng pagbabawas ng luho, pagtitipid, at tunay na malasakit. Sapagkat sa huli, ang tunay na serbisyo publiko ay hindi nakikita sa pribilehiyo, kundi sa sakripisyo at pananagutan.






