Home OPINION ADIK SA IMPEACHMENT SA GITNA NG GULO

ADIK SA IMPEACHMENT SA GITNA NG GULO

217
0

NAGKAKAGULO-GULO na nga ang mundo sa giyerang United States-Israel laban sa iran at nagkakandahirap-hirap na ang sambayanang Pinoy dahil sa krisis sa langis bunga ng nasabing giyera, ‘yang impeachment pa ang inaatupag ng mga damuhong adik sa kapangyarihan.

GIYERANG MAGASTOS HINDI BASTA MATATAPOS

Habang tinitipa ito, mga Bro, walang nakatitiyak kung kailan matatapos ang nasabing giyera.

Habang pinipilit ng US at Israel na sumurender na ang Iran, nananatili ang Iran sa pagsasabing lalaban sila hanggang hindi sila magtatagumpay sa pagpapabagsak sa US sa Middle East at Israel na rin.

Lumalawak pa nga dahil nagdeklara na ang Iraq at Houthi sa Yemen na sasali na sila sa giyera at sumasali na rin ang Russia at China pabor sa Iran.

At kahit matapos pa, hindi basta babalik ang kaguluhang nilikha nito, kasama ang napakamamahal na presyo ng langis na nagpalobo nang husto rin sa mga presyo ng mga bilihin kasama ang mga pagkain at inumin at serbisyong gaya ng pamasahe sa mga bus sa lalawigan, barko at eroplano.

Malaki ang gagastusin sa pagtatayo o pag-repair, halimbawa, sa mga nasirang oil field, oil refinery, imprastraktura na tulay, pier, airport, gusali at bahay at kukunin ang panggastos dito mula sa mahal na langis.

Hindi rin basta masosolusyunan ang krisis sa suplay ng langis dahil anomang araw, makikialam ang US dito at maaaring pagbawalan tayo na umangkat ng Russian oil at sila ang magbebenta sa atin ng doble o tripleng presyo.

‘YANG IMPEACHMENT

Habang nagaganap lahat ang mga sumpa sa giyera, krisis sa langis at ibinunga nitong krisis sa presyo at serbisyo, anak ng pitong putakte, ‘yang impeachment pa ang inaatupag, lalo na ang mga kongresman.

Habang tuloy-tuloy ang umano’y imbestigasyon kay Vice President Sara Duterte na pilit na hinahanapan ng ebidensya dahil sa kawalan umano ng batayan ang mga impeachment complaint, hinihiling naman ng kampo ni Duterte sa Supreme Court na ipawalambisa ang imbestigasyon sa pagiging labag sa Saligang Batas.

Hindi man lang makitaan ang mga nang-iimpeach na kongresman ng mga epektibong pagkilos para gumaan ang gutom at malawakang paghihirap ng mga mamamayan, lalo na ang mahihirap na bumubuo ng 90 milyon mula sa 110 milyong Pinoy.

Alam nila, halimbawa, na ang pag-iral ng Oil Deregulation Law (ODL) ang pangunahing dahilan ng pagtataas ng presyo ng langis at maging ang Electric Power Industry Reform Act (EPIRA) sa pagtataas din ng bayarin sa kuryente, ngunit wala ni sinoman sa mga nang-iimpeach na kongresman ang magpanukala para sa amyenda o pagbuwag sa mga batas na ito.

Ginawa at pinaiiral ang mga batas na ito upang mawalan ng kapangyarihan ang gobyerno na makialam sa presyuhan at suplay ng langis at kuryente at ipinauubaya ang lahat ng ito sa kamay ng mga kompanya ng langis at kuryente na pawang mga mapagsamantala o mandurugas.

Ipakulam na lang kaya ang mga damuhong ito?

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here