CALAPAN CITY – Pinaigting ng mga awtoridad ang anti-drug operations matapos madiskubre ang isang hinihinalang shabu laboratory sa Puerto Galera, kung saan nakarekober ng ilegal na droga at mga materyales sa paggawa nito.
Ayon sa Police Regional Office Mimaropa, nagsimula ang operasyon matapos makatanggap ng ulat mula sa isang barangay official noong Marso 29 hinggil sa umano’y illegal drug activity sa lugar. Isang caretaker ng ari-arian ang nag-turn over ng puting kristalinong substansya na kalauna’y kinumpirmang shabu ng Philippine Drug Enforcement Agency.
Sa follow-up operations, nadiskubre ang mga kagamitan at materyales sa paggawa ng droga, kaya’t agad na nakipag-ugnayan ang pulisya sa PDEA para sa tamang paghawak ng ebidensya.
Noong Marso 30, naglabas ng search warrant ang Regional Trial Court Branch 40 sa Calapan City batay sa probable cause para sa paglabag sa Republic Act No. 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Ipinatupad ang warrant noong Marso 31 ng Puerto Galera police katuwang ang PDEA Mimaropa at iba pang law enforcement units kabilang ang Oriental Mindoro Police Provincial Office, PNP Drug Enforcement Group, Regional Intelligence Division, Regional Mobile Force Battalion, PNP Maritime Group, at ang Philippine Coast Guard.
Narekober sa operasyon ang iba’t ibang kemikal, laboratory equipment, at kaugnay na materyales na kasalukuyang iniimbentaryo, dinodokumento, at isinasailalim sa forensic examination. Tinitiyak din ng mga imbestigador ang pagkakakilanlan ng mga indibidwal na konektado sa ari-arian.
Binigyang-diin ni Brig. Gen. Jovencio Badua Jr. na isinagawa ang operasyon alinsunod sa batas.
“This development underscores the importance of timely information and coordinated action in addressing illegal drug activities, while ensuring that all operations are grounded in the rule of law, with full respect for human rights and due process,” ani Badua. Mary Anne Sapico