Manila, Philippines – May naisip na ambag si Willie Revillame ngayong nahaharap sa fuel crisis ang buong mundo—libreng sakay.
Ramdam nga sa buong mundo ang epekto ng giyera sa Middle East.
Nagbigay-daan ito para ideklara ni Pangulong Bongbong Marcos ang national energy emergency.
Sa tulong ng mga kaibigan, bumili si Willie ng anim na minibus para sa mga mananakay.
Ibinalita ito mismo ng TV host sa programa niyang Wilyonaryo.
Ani Willie, ipinakundisyon lang daw muna nilang magkakaibigan ang mga sasakyan—kasama na ang paglalagay ng Wilyonaryo sticker.
Personal daw ang naging koordinasyon ng host sa LTFRB, partikular sa kakailanganing lisensya.
Next week pa ito magiging fully operational, sabi pa ni Willie.
Ang libreng sakay—ayon pa sa kanya—ay maliit niyang kontribusyon sa gitna ng krisis na sobrang nakaaapekto sa ating mga kababayan.
Apektado nga naman ang presyo ng langis at ibang produkto ng petrolyo—resulting in domino effect.
Ang mga ruta ng nasabing libreng sakay ay Monumento, SM North EDSA sa QC, Star Mall sa Mandaluyong City, at SM Mall of Asia sa Pasay City. Ronnie Carrasco III