MANILA, Philippines — Nagbabala ang Food and Drug Administration (FDA) sa pagkalat ng hindi rehistrado at posibleng tampered na anti-rabies vaccines sa merkado sa Pilipinas, kasunod ng pagkakaaresto sa mga indibidwal na umano’y sangkot sa repacking at relabeling ng mga bakuna.
Ayon kay FDA spokesperson Khay Magundayao, nahuli ang mga suspek na binabago ang labels at nire-repack ang mga bakuna, na maaaring makaapekto sa kaligtasan at bisa ng mga ito.
“Nakita natin na sila ay nagri-repack, sila ay nagri-relabel, meaning binabago po nila iyong mga label, iyong mga stickers nito so kahit po sabihin po natin na ito ay galing sa lehitimong distributor sa ibang bansa, nako-compromise po ang goods storage or good chain management nito sapagkat wala tayong nakitang bio-refrigerator doon po sa kanilang pasilidad at wala din po silang license to operate mula sa FDA para mag-distribute po ng mga nasabing bakuna,” aniya.
Binigyang-diin niya na maaaring maging hindi epektibo ang mga bakuna kung mali ang paghawak at maaaring magdulot ng seryosong panganib sa kalusugan.
“Napakadelikado po kasi alam naman natin na kapag hindi po epektibo ang mga bakunang in-inject for anti-rabies gaya po ng mga ito, maaari rin po itong magdulot ng death,” aniya.
“Siyempre po kung sabihin na natin na malakas ang immune system, puwede rin magkaroon ng allergic reactions so ito po ay napakadelikado kung kaya’t sinasabi po natin sa publiko na maging mapagmatyag at siyempre pumunta lamang sa mga DOH-certified na mga treatment centers at mga health facilities.”
Ipinaliwanag din ni Magundayao na mahalaga ang tamang storage ng bakuna sa medical-grade bio-refrigerator na may temperaturang 2 hanggang 8 degrees Celsius upang mapanatili ang bisa nito.
“Ito ay mayroong certain temperature na constant – ibig sabihin po hindi siya bababa or hindi siya tataas at ito din po ay mayroong proper monitoring,” aniya.
“Ang mga bio-ref ay sumusunod lamang doon sa 2 to 8 degrees Celsius, kaya po hindi ina-advise na ito ay nakalagay sa household refrigerator kung saan mayroong mga kasamang pagkain, may mga kasamang beverages, mga sweetened beverages po or mga tubig na maya’t maya po nating binubuksan.”
Iniimbestigahan na rin ng FDA ang posibleng pagkakasangkot ng isang sindikato sa iligal na operasyon.
“Dito po sa nakita natin, ito po kasi ay pinupuslit nila kasama ng mga ibang produkto ‘no so talaga naman pong mahirap kasi iyong mga sindikatong ganito ay maituturing natin na nagtatago talaga sila sa pamamagitan ng mga ibang produkto na maaaring lisensiyado din naman po at nakakakuha ng mga certain permits po mula sa iba’t ibang ahensiya hindi lamang po ang FDA,” aniya.
“Tayo po ay makikipag-ugnayan sa iba’t ibang ahensiya para po sugpuin natin ang mga ganitong iligal na aktibidad,” dagdag pa niya.
Hinikayat ng ahensya ang publiko na maging mapagmatyag at magpabakuna lamang sa mga pasilidad na sertipikado ng Department of Health. Santi Celario