MANILA, Philippines – Inaresto ng Quezon City Police District (QCPD) ang isang delivery rider matapos umanong mag-imbento ng insidente ng holdap o “holdap me” sa Kamuning, Quezon City nitong Linggo ng gabi, Marso 29.
Batay sa imbestigasyon, ang halagang ₱18,500 na dapat sana’y i-remit sa isang courier service company ay naipatalo umano sa online gambling.
Una nitong ini-report sa Police Station 10 na hinoldap siya ng riding-in-tandem bandang alas-7:13 ng gabi sa Kamuning Road. Ayon sa kanya, naka-itim na jacket at helmet ang mga suspek na tumakas patungong EDSA matapos tangayin ang kanyang pera.
Ngunit ayon kay P/Lt. Col. Zachary Capellan, station commander ng QCPD PS10, may napansin agad silang hindi tugma sa kanyang salaysay.
“Agad na in-entertain natin at kinuhanan ng salaysay, sa pagkakataon na iyon napansin natin na hawak-hawak niya yung cellphone, natanong natin yung biktima, ‘pati yung cellphone ba hindi kinuha? bakit hindi kinuha ang cellphone mo?’ Hindi siya umiimik so ganun pa rin nag-extend tayo ng assistance pinasamahan natin sa mga operatiba,” sabi ni Capellan.
Sa kabila nito, nagsagawa pa rin ng backtracking at hot pursuit operation ang mga pulis, ngunit sa pagsusuri ng CCTV ay walang nakitang indikasyon ng holdap. Sa halip, nakita ang lalaki na nag-iisa, maayos na nagmamaneho ng motorsiklo at paikot-ikot sa lugar, na walang lumalapit na suspek.
Dahil dito, nakumbinsi ang mga awtoridad na gawa-gawa lamang ang insidente, sapagkat hindi nagtutugma ang kanyang salaysay sa mga ebidensya.
Kalaunan ay umamin ang suspek at agad na inaresto. Nahaharap siya ngayon sa kasong estafa at perjury.
“So nung pagkakataon na iyon, hindi na nag-atubiling umamin yung suspek at ang pagkakasabi niya ‘yes itong 18,500 na naireport ko na ninakaw sa akin ay pawang walang katotohanan, sapagkat nagastos niya raw iyon dahil sa paglalaro ng sugal na scatter,’” ayon pa kay Capellan.
Sa kanyang pahayag, humingi ng paumanhin ang suspek at inamin ang kanyang pagkakamali.
“Sa sugal po boss, yun nga po pagkakamali ko, mali deklarasyon ko ng holdap me po, wala po ako naisip na paraan para mareport po, yun po pagkakamali ko humihingi po ako ng patawad sa kumpanya, sa pamilya ko lalo na dito sa kapulisan ng station 10 sobra sobrang abala nagawa ko, iwasan na po ang pagsusugal,” aniya.
Nagbabala naman ang pulisya laban sa paggamit ng kasinungalingan upang pagtakpan ang krimen.
“Babala po sa mga nag-iisip po na gagamitin ang kapulisan para itago nila yung krimen o palusot man na itago nagawang krimen, huwag niyo na pong balakin, sapagkat ang QCPD police lalong lalo na yung ating mga imbetigador at mga operatiba ay inaalam po at dinidig up po ang buong katotohanan hanggang madiscover namin yung tunay na pangyayari,” dagdag ni Capellan.
Kasalukuyang nasa kustodiya ng QCPD Police Station 10 sa Kamuning ang suspek. Santi Celario