MANILA, Philippines – Kumpiyansa si Public Works ang Highways (DPWH) Sec. Vince Dizon na ang Department of Justice (DOJ) at ang Office of the Ombudsman ay agad na maghahain ng mga kaso laban sa mga nasa likod ng umano’y flood control kickback scheme.
Ang pahayag ni Dizon ay tugon sa naunang sinabi ni Palace Press Officer at Undersecretary Claire Castro na ang DOJ at Ombudsman ay “overwhelmed” dahil sa dami ng kailangang gawin upang usigin ang mga sangkot, kung saan ang mga transaksyong iniimbestigahan ay maaaring umabot sa P1 trilyon.
Naiintindihan aniya na sila ay overwhelmed dahil sa dami ng dokumentong isinusumite ng DPWH gayundin ang Independent Commission for Infrastructure (ICI) pero kumpiyansa aniya sila sa kakayahan nina Ombudsman Boying Remulla.
Ipinahayag din ni Dizon ang kasiyahan sa naging performance ng Independent Commission for Infrastructure (ICI), isang komisyong nilikha ni Ferdinand Marcos Jr. upang imbestigahan ang mga sangkot sa flood control controversy.
Ayon kay Dizon, hindi pa niya nakikita ang kanilang final report pero sa nakalipas na anim na buwan ay marami na silang nagawa.
Ang ICI ay nagtrabaho sa loob ng anim na buwan, na nagtapos ang kanilang tenure noong Marso 31.
Gayunpaman, sinabi ni ICI chairperson Andres Reyes Jr. na bilang isang collegial body, aktibo lamang ang ICI sa loob ng 90 araw.
Sa panahong iyon, nakapagsumite sila ng siyam na referrals na sumasaklaw sa 65 indibidwal sa Ombudsman at nakapagtatag ng technical working group na kasama ang 20 ahensya para sa asset recovery.
Bago matapos ang kanilang tenure, na-turn over ng ICI ang kanilang mga findings sa Ombudsman at DOJ.
Sa ngayon, nakapaghain na ang mga Ombudsman prosecutors ng tatlong batch ng mga kaso simula nang ilunsad ang flood control probe noong Setyembre 2024. Jocelyn Tabangcura-Domenden