MANILA, Philippines – Inaresto ng mga awtoridad sa General Santos City ang dalawang indibidwal sa illegal na pagbibiyahe ng ilang protected wildlife species sa checkpoint operation sa Barangay Tambler.
Ang operasyon ay inilunsad noong Abril 1 matapos makatanggap ng tip ang mga awtoridad dahilan para maharang ang isang minivan.
Sa pag-iinspeksyon, nadiskubre ng mga opisyal ang makeshift cages taglay ang mga exotic na hayop at karamihan ay endemic sa Indonesia.
Agad na dinala sa kustodiya ng mga awtoridad ang mga suspek nang bigong makapagpakita ng legal na permit sa pagkakaroon at pagbiyahe ng mga hayop.
Nakita sa inventory ang mga hayop tulad ng Moluccan, Sulphur-crested, at Palm cockatoos, kasama ang Bornean white-bearded gibbons at bearcats.
Natagpuang patay naman ang isang Moluccan cockatoo at isang Victoria crowned pigeon dahil sa siksikang kulungan.
Pormal na itinurn-over ng Philippine National Police ang mga hayop sa Community Environment and Natural Resources Office (CENRO) para sa dokumentasyon at pangangalaga.
Kasalukuyang nasa CENRO facility sa Barangay Buayan naman ang mga nasagip na hayop habang sumasailalim sa health assessment at tamang disposiyon.
Inihahanda na ang nararapat na kaso sa dalawang suspek sa paglabag sa Wildlife Resources Conservation and Protection Act. RNT/JGC