MANILA, Philippines – Nasabat ng Bureau of Customs sa tulong ng Philippine Drug Enforcement Agency-Airport Interdiction Unit (PDEA-AIU) at Clark Inter-Agency Task Force Against Illegal Drugs (CRK-IATFAID) ang tinatayang nasa higit P30 milyon halaga ng Ketamine drugs na isiniksik sa mga kable na dumating sa Clark Freeport Zone.
Sa ulat, modus umano ng mga sindikato na ideneklarang “Solar Cables” ang shipment na nagmula sa bansang Netherlands.
Sa tulong ng matalas na pang-amoy ng K-9 Unit (Sniffing Dog), hindi nakalusot ang mga kontrabando na tangka sanang ipuslit.
Nadiskubre ng mga awtoridad ang nasa mahigit anim na kilo ng mga suspected ketamine na isiniksik sa loob mismo ng kable.
Nakatakda sanang ideliver ang kargamento sa Pasig City nang masabat ng mga awtoridad.
Agad naglalabas ng Warrant of Seizure and Detention ang Customs laban sa shipment para sa pagsasampa ng mga kaukulang kaso kaugnay sa (tangkang) pagpuslit ng iligal na droga na may kinalaman sa paglabag sa Customs Modernization and Tariff Act (CMTA). ROEL TARAYAO