Home NATIONWIDE Pagsasapubliko ng pinal na report ng ICI ipauubaya ng Malakanyang sa Ombudsman,...

Pagsasapubliko ng pinal na report ng ICI ipauubaya ng Malakanyang sa Ombudsman, DOJ

130
0

MANILA, Philippines – IPINAUBAYA na ng Malakanyang sa Tanggapan ng Ombudsman at Department of Justice (DoJ) na isapubliko ang pinal na report ng Independent Commission for Infrastructure (ICI) hinggil sa imbestigasyon ukol sa maanomalyang flood control projects.

”Opo, depende na po sa kanila iyan. So, respeto po sa kanila dahil nasa kanila po iyon,” ayon kay Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro sa press briefing sa Malakanyang nang tanungin kung ang Ombudsman at DoJ ay magsi-share ng kanilang natuklasan sa publiko.

At nang tanungin kung aatasan pa ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ang Ombudsman at DoJ na isapubliko ang kanilang mga natuklasan, ang naging tugon ni Castro ay ‘hindi po.’

”Hindi po. Unang-una po, ang Ombudsman po ay independent body. Ang DOJ, ibibigay po natin sa authority ‘no. I’m not saying na bibigyan ng authority pero nasa pag—sa discretion na po iyan ng DOJ kung ano ang kanilang ibibigay na report na ibinigay sa kanila ng ICI,” ang winika ni Castro.

Sa ulat, tinapos na ng ICI ang kanilang operasyon, Marso 31 matapos ang anim na buwang imbestigasyon sa kuwestiyonableng flood control projects. Bitin daw ang nagawang imbestigasyon, ayon sa ilang kongresista.

Kasabay nito, tiniyak ng Malakanyang na hindi dito nagtatapos ang pagtugis sa mga kurakot sa gobyerno.

Batay sa Section 10 o Sunset Clause ng Executive Order 94, ituturing nang ‘functus officio’ o tapos na ang tungkulin ng ICI.

Ani Castro, mismong ang komisyon ang nag-ulat na naisakatuparan na nila ang kanilang mandato kaya ito ay kusa nang mabubuwag.

Sa kabila nito, may mga bumabatikos na tila “underwhelmed” o bitin ang naging resulta ng imbestigasyon dahil wala pang nakukulong na “malalaking isda.”

Pero depensa ng Malakanyang, hindi natulog ang ICI at katunayan ay tambak na ang mga kasong isinumite nila sa Department of Justice at Ombudsman.

Samantala, ukol naman sa ulat na may ilang empleyado ng ICI ang hindi pa rin sumasahod hanggang ngayon, sinabi ni Castro na ang budget ay matagal ng nasa body.

Idinagdag pa n Castro na ang concerns ay dapat na iparating sa ICI leadership. KRIS JOSE

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here