MANILA, Philippines – Nag-utos ang House Committee on Justice ng mas mahigpit na security measures para kay detainee Ramil Madriaga, na inilalarawan bilang mahalagang testigo sa impeachment proceedings laban kay Vice President Sara Duterte.
Sa liham na may petsang Marso 31, inatasan ni committee chairperson at Batangas Rep. Gerville Luistro si House Sergeant-at-Arms Ret. Brig. Gen. Ferdinand Melchor Dela Cruz na tiyakin ang kaligtasan ni Madriaga, na nakadetine sa Bureau of Jail Management and Penology facility sa Camp Bagong Diwa sa Taguig City. Ayon kay Luistro, si Madriaga ay isang “material and indispensable” witness sa usapin.
Nakadetine si Madriaga dahil sa nakabinbing kidnapping case at nauna nang iniuugnay sa alegasyong siya ang nagsabi na ang campaign na “Inday Sara Duterte is My President” o ISIP Pilipinas ay pinondohan umano ng drug dealers at Philippine Offshore Gaming Operators.
“We require the implementation of appropriate safeguards to ensure his safety, security, and integrity while he is testifying before the Committee on Justice. Strict compliance herewith is required,” ayon sa House justice panel.
Kabilang sa mga karagdagang hakbang sa seguridad ang pagdagdag sa kasalukuyang security detail ni Madriaga sa tulong ng National Bureau of Investigation at pagbibigay ng sapat na seguridad sa kanyang pagbiyahe papunta at pabalik sa mga pagdinig ng House committee on justice.
Nag-ugat ang direktiba sa Petition for Protective Custody na inihain ni House Deputy Minority Leader at Akbayan Rep. Chel Diokno, na una nang kinatigan ng panel matapos tukuyin ang mga kapanipaniwalang banta sa buhay ni Madriaga. RNT