MANILA, Philippines – Nilinaw ni Senator Sherwin Gatchalian na hindi lahat ng Pilipino ay makatatanggap ng cash assistance sa ilalim ng panukalang Bayanihan 3 Act, dahil target lamang nito ang mga sektor na pinakaapektado ng pagtaas ng presyo ng langis, kabilang ang pinakamahihirap na pamilya, mga magsasaka, mangingisda, at transport sector.
Ayon kay Gatchalian, chairperson ng Senate Energy Committee, maaaring maglaan ang pamahalaan ng P98 bilyon hanggang P406 bilyon para sa panukalang hakbang na layong maibsan ang epekto ng pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo sa ekonomiya.
“Let’s say, farmers, fisher folks, yung tinatawag natin bottom 30 percent, ‘yung pinaka-mahirap nating kababayan and transportation,” ani Gatchalian.
Sinabi niya na ang mga kuwalipikadong benepisyaryo ay maaaring tumanggap ng humigit-kumulang P1,500 hanggang P3,000 o P4,000, depende sa kanilang income class. Kaugnay ito ng Bayanihan Power to the People Act na inihain ni Senator Loren Legarda, na naglalayong maglatag ng balangkas ng tugon ng pamahalaan sa epekto ng global oil crisis sa mga kabahayan at sa pambansang ekonomiya.
Ayon pa kay Gatchalian, may tatlong pangunahing bahagi ang panukala: pagtukoy sa pagmumulan ng pondo, paghahanda ng pump-priming measures sakaling humina ang economic growth, at pagbibigay ng subsidy o relief sa mga kuwalipikadong benepisyaryo. Isa sa mga opsyong tinitingnan, aniya, ay pahintulutan ang Executive na i-realign ang government savings, tulad ng ginawa noong panahon ng COVID-19 pandemic.
“So kagaya nung COVID, inallow ang executive gamitin ‘yung savings para i-reallocate sa iba-ibang programa,” aniya.
Dagdag pa ni Gatchalian, pinag-aaralan din ng mga mambabatas ang ilang relief measure gaya ng moratorium sa pagbabayad para sa mga miyembro ng Social Security System (SSS), Government Service Insurance System (GSIS), at iba pang government financial institutions.
“Mayroon rin kaming iniisip doon baka pwede tayong magbigay ng mga relief. For example, sa SSS, sa GSIS, sa mga government financial institutions na magkaroon muna ng moratorium sa mga pagbabayad. So yun yung mga iniisip namin. Yung components nitong Bayanihan II,” dagdag niya. RNT