Home HOME BANNER STORY Inflation sumirit sa 4.1% nitong Marso dahil sa pagmahal ng langis

Inflation sumirit sa 4.1% nitong Marso dahil sa pagmahal ng langis

200
0

MANILA, Philippines — Bumilis sa 4.1% ang inflation sa Pilipinas noong Marso 2026, ang pinakamataas sa nakalipas na 20 buwan, bunsod ng pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo na nagtulak sa gastos sa transportasyon, pagkain, at mga pangunahing bayarin, ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA) nitong Martes.

Sa press briefing, sinabi ni National Statistician at PSA chief Claire Dennis Mapa na mas mataas ito kaysa sa 2.4% noong Pebrero 2026 at 1.8% noong Marso 2025. Ito na ang pinakamabilis na inflation mula sa 4.4% na naitala noong Hulyo 2024. Samantala, nasa 2.8% ang year-to-date inflation, na nananatili pa ring pasok sa 2% hanggang 4% target ng pamahalaan.

Ayon kay Mapa, pangunahing nagtulak sa pagbilis ng inflation ang transport index, na nagtala ng 9.9% inflation mula sa 0.3% na pagbaba noong nakaraang buwan at may 54.8% ambag sa kabuuang pagtaas.

“Ang nag-ambag sa mas mataas na antas ng inflation ng Transport nitong Marso 2026 ay ang pagtaas ng presyo mula sa pagbaba ng presyo noong Pebrero 2026 ng mga gasolina at diesel,” he said.

Sumirit sa 27.3% ang inflation ng gasolina noong Marso mula sa -5.7% noong Pebrero, habang umakyat naman sa 59.5% ang diesel mula sa -1.3%. Ang pagtaas ay kasunod ng sunod-sunod na oil price hike sa bansa habang tumataas ang pandaigdigang presyo ng langis dahil sa nagpapatuloy na US-Israel versus Iran conflict.

Nagdagdag din sa pagbilis ng inflation ang Food and Non-Alcoholic Beverages index, na umakyat sa 3% mula sa 1.8% noong Pebrero at may 26.9% ambag sa overall uptrend. Pangunahing dahilan dito ang pagtaas ng presyo ng cereals gaya ng bigas, na lumago sa 3.7% mula sa -1.3% noong nakaraang buwan.

Tumaas din sa 4.5% mula 3.5% ang inflation ng Housing, Water, Gas and Other Fuels index, na may 12.7% ambag sa overall increase, dahil sa pagmahal ng kuryente, LPG, at upa. Umakyat sa 9.2% mula 6.7% ang inflation sa kuryente, sa 2.2% mula -2.2% ang LPG, at sa 3.2% mula 3% ang upa.

Para sa pinakamababang 30% ng mga sambahayan ayon sa kita, pumalo sa 4.2% ang inflation noong Marso mula sa 2.5% noong Pebrero, kaya umabot sa 2.8% ang average sa unang quarter. Itinulak ito ng 3.9% paglago sa food and non-alcoholic beverages at ng transport, na nagtala ng 7.2% inflation mula sa 0.6% na contraction noong nakaraang buwan.

Sa hiwalay na pahayag, sinabi ng Department of Economy, Planning, and Development (DEPDev) na nagpatupad na ang pamahalaan ng magkakaugnay na hakbang upang mapigil ang pagtaas ng inflation at mabawasan ang epekto ng kaguluhan sa Middle East sa mga kabahayan at pangunahing sektor ng ekonomiya.

“The government stands ready to address emerging inflation pressures through strategic, well-targeted, and time-bound interventions, particularly in fuel, transport, and food,” ayon kay DEPDev Secretary Arsenio Balisacan.

Sinabi ni Balisacan na makatutulong ang pagpapatupad ng Executive Order No. 110, o ang Unified Package for Livelihoods, Industry, Food and Transport o UPLIFT Committee, sa pagtukoy ng mga nararapat na hakbang.

Ayon sa DEPDev, inactivate na ng pamahalaan ang emergency fuel procurement program at nakaseguro na ng 165.6 million liters ng diesel para sa delivery hanggang Abril upang mapatatag ang suplay at mapagaan ang gastos sa transportasyon. Ipinatutupad na rin ang toll rebates para sa mga public utility vehicle at cargo truck sa mga pangunahing expressway.

Naglabas na rin, ayon sa ahensya, ng anti-hoarding guidelines upang maiwasan ang artipisyal na kakulangan sa fuel at mapanatili ang maayos na distribusyon.

Pinalawak na rin sa buong bansa ang P20 rice program, nagdeploy ng logistics support para sa paghahatid ng gulay mula Benguet patungong Metro Manila, at binawasan ang Ro-Ro terminal fees para sa mga sasakyang may kargang hilaw na produktong agrikultural upang mapanatiling episyente at abot-kaya ang paggalaw ng pagkain.

Upang maibsan ang epekto ng mataas na presyo ng fuel, sinabi ng DEPDev na nagbibigay rin ang pamahalaan ng service contracting, cash assistance, at fuel subsidies sa mga bulnerableng sektor gaya ng mga tsuper ng public utility vehicles, mga magsasaka, at mga mangingisda.

“Our immediate priority is to ensure the safety of Filipinos abroad and to deploy timely and tangible solutions by providing critical support for the transport sector, commuters and industries, while simultaneously diversifying the energy mix,” ani Balisacan.

“The government is firmly committed to ensuring the continuous delivery of services, even as we pursue decisive measures to enhance the resilience of our economy and institutions, carefully balancing short-term relief measures and longer-term considerations toward enabling the economy to recover high growth quickly,” dagdag pa ng chief economist ng bansa. Santi Celario

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here