MANILA, Philippines – Pasok sa global Top 100 ang dalawang unibersidad sa Pilipinas sa 2026 Quacquarelli Symonds (QS) World University Rankings by Subject, ayon sa Commission on Higher Education (CHED).
Ang University of the Philippines (UP) at Ateneo de Manila University (AdMU) ay parehong nakapasok sa 51–100 band sa kani-kanilang larangan. Ayon sa CHED, ito ay pagbuti kumpara noong nakaraang taon kung saan walang Philippine institution ang nakapasok sa Top 100 tier.
Kabuuang anim na Higher Education Institutions sa Pilipinas ang kasama sa rankings na sumasaklaw sa 47 academic program entries. Sa mga ito, 14 ang umangat sa ranggo habang 19 ang nanatiling stable.
Nanguna ang UP na may 22 entries, kabilang ang Library and Information Management na nasa 51–100 band.
May pitong entries ang AdMU, kabilang ang Theology, Divinity, and Religious Studies na nasa 51–100 band din.
Ang De La Salle University (DLSU) ay may pitong entries, kung saan ang Philosophy ay nasa 151–200. Samantala, ang University of Santo Tomas (UST) ay may isang entry sa Medicine na nasa +701.
Sa Hospitality and Leisure Management, kabilang sa ranking ang UP, Adamson University, at Lyceum of the Philippines University. Nasa 101–150 band ang Adamson, habang 151–175 naman ang Lyceum. Pareho silang unang beses nakapasok sa naturang discipline.
Ayon sa CHED, nananatiling pinakamalakas na performer ang UP na may pag-angat sa Arts and Humanities, Social Sciences and Management, at Life Sciences and Medicine.
Sinabi rin ng CHED na ipinapakita ng resulta ang patuloy na pagbuti ng pandaigdigang antas ng higher education institutions sa bansa dahil sa mas pinatatag na pagtuturo, pananaliksik, at international linkages. RNT/MND