MANILA, Philippines – Bahagyang binaliktad ng Court of Appeals (CA) ang desisyon ng Office of the Ombudsman kaugnay ng kontrobersyal na ₱4.2 bilyong Pharmally Pharmaceutical contract para sa pagbili ng COVID-19 test kits noong pandemya.
Sa desisyong inilabas noong Marso 31, pinawalang-sala ng CA ang dating Procurement Management Officer na si Webster Laureñana, ngunit kinatigan ang dismissal ng ilang iba pang opisyal.
Pinagbigyan ng CA ang petisyon ni Laureñana at ibinasura ang kasong administratibo laban sa kanya. Gayunman, kinatigan nito ang 2023 Ombudsman ruling na naglapat ng administrative liability laban sa ilang dating opisyal ng Department of Budget and Management (DBM) at DBM-Procurement Service, kabilang sina Lloyd Christopher Lao, Warren Liong, Christine Suntay, at Augusto Ylagan.
Sila ay napatunayang guilty ng grave misconduct, gross neglect of duty, serious dishonesty, at conduct prejudicial to the best interest of the service.
Ayon sa CA, pinayagan ng mga opisyal na masira ng “irregularity and undue accommodation” ang emergency procurement process, na nagresulta sa pagbawas ng tiwala ng publiko sa pamahalaan sa gitna ng krisis.
“By their actions, they reduced the safeguards of the procurement process into hollow forms and contributed to the institutional failure of the PS-DBM in transactions of immense public consequence,” ayon sa CA.
Dagdag pa nito, mas mabigat ang kanilang pananagutan dahil ginawa ito sa panahon ng state of calamity kung saan inaasahan ang pinakamataas na integridad sa pagbili ng medical supplies.
Ang kaso ay nag-ugat sa mga ulat nina Sen. Richard Gordon at Sen. Risa Hontiveros noong 2022 na nag-imbestiga sa umano’y iregularidad sa procurement ng COVID-19 test kits na nagkakahalaga ng bilyon-bilyong piso.
Kabilang dito ang pagbili ng 8,000 BGI test kits na ₱600 milyon, 2,000 A Star Fortitude test kits na ₱688 milyon, at 41,400 BGI test kits na ₱2.87 bilyon.
Ayon sa Ombudsman, may preferential treatment umano sa Pharmally kahit may red flags sa kapitalisasyon at kakayahan nito, at may mga pagkakataong may mas murang o mas maagang bid mula sa ibang supplier ngunit hindi ito ang nanalo.
Itinanggi ng mga opisyal na maayos ang pagsisimula ng administrative case, ngunit sinabi ng CA na sapat ang mga sulat ng mga senador upang magsilbing basehan ng imbestigasyon ng Ombudsman.
Sa huli, sinabi ng CA: “few betrayals are more grievous than the corruption of public office in a time of national suffering…”
Ang desisyon ay isinulat ni Associate Justice Marietta S. Brawner-Cualing at sinang-ayunan ng iba pang mahistrado ng CA. RNT/MND