Home NATIONWIDE ‘Supremo’ ng Royal Kingdom of Maharlika, arestado sa investment scam

‘Supremo’ ng Royal Kingdom of Maharlika, arestado sa investment scam

125
0

MANILA, Philippines – Arestado ng Philippine National Police Anti-Cybercrime Group (PNP-ACG) ang isang lalaking nagpapakilalang “supremo” o hari ng Royal Kingdom of Maharlika dahil sa umano’y investment scam.

Ayon sa PNP-ACG, ang operasyon ay bunsod ng reklamo ng Securities and Exchange Commission (SEC) matapos maraming indibidwal ang umano’y nabiktima ng scheme.

Sinabi ni PBGen. Wilson Asueta na hinihikayat ang mga biktima na mag-invest ng pera kapalit ng pangakong malalaking kita sa hinaharap, kung saan pinapabili pa umano sila ng mga “cards” na magdudulot ng milyon-milyong kita.

“At ito ay mangyayari lamang pag siya ay itinalaga na hari ng Pilipinas,” ani Asueta.

“Sinasabi niya na siya ay tagapagmana o salinlahi ng isang pinakamayaman sa Mindanao,” dagdag niya.

Ayon sa pulisya, hindi makatotohanan ang mga pangako at indikasyon ito ng panlilinlang. Layunin ng operasyon na mapigilan ang patuloy na recruitment at makaiwas pa sa mas maraming biktima.

Kinumpirma rin ng SEC na rehistrado bilang non-stock corporation ang grupo, ngunit wala itong awtoridad na manghikayat o mangalap ng investments mula sa publiko.

Karamihan sa mga biktima ay mga senior citizen at miyembro ng Indigenous Peoples, at iniimbestigahan din kung may mga OFW na nadamay sa pamamagitan ng online livestreams.

Ang suspek at 14 pang kasamahan ay nahaharap sa reklamong paglabag sa Securities Regulation Code at Cybercrime Prevention Act. RNT/MND

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here