Home NATIONWIDE Unang command center sa Pag-asa Island, binuksan ng PCG

Unang command center sa Pag-asa Island, binuksan ng PCG

121
0

MANILA, Philippines — Inilunsad ng Philippine Coast Guard nitong Huwebes ang kauna-unahan nitong dedicated command center sa Pag-asa Island, isang sensitibong lugar sa West Philippine Sea na ilang ulit nang pinangyarihan ng komprontasyon sa mga barko ng China.

Ang bagong himpilan ng isang bagong tatag na coast guard district, na dating pinangangasiwaan mula sa kalapit na Palawan, ay sasaklaw sa humigit-kumulang 68,000 square kilometers.

Ayon sa ulat, namataan ng isang AFP journalist na bumiyahe patungo sa bagong command center ang ilang barko ng Chinese Coast Guard na nagpapatrolya sa kalapit na karagatan. Nagbigay rin umano ang mga ito ng radio warnings sa eroplanong sinasakyan ng mamamahayag.

Sinabi ni Philippine Coast Guard Commandant Ronnie Gil Gavan na magkakaroon na ang Pag-asa ng commodore-level commander na nakatalaga sa lugar, bukod pa sa isang barkong permanenteng ilalagay doon, dagdag na response vessels, at ilang specialists.

“The establishment of the coast guard district here will also enhance the psyche, the mindset of each and every coast guard member, that… the defence of Kalayaan island group is a top priority,” ani Gavan, gamit ang Filipino name para sa Spratly island chain.

Kabilang din sa hakbang ang pagde-dredge ng mas malalim na pantalan upang makadaong na nang direkta ang mga coast guard vessel, sa halip na gumamit pa ng maliliit na bangka sa pagsasakay at pagbaba ng mga tauhan sa Pag-asa.

Sinabi naman ni coast guard spokesman Jay Tarriela na itataas din sa full station status ang mga substation sa malalayong isla ng Kota at Parola.

Dagdag pa ni Tarriela, ang upgrade sa Pag-asa ay mangangahulugan ng mas malaking budget para sa community assistance sa mga residente ng isla, kabilang ang pagdaragdag ng mga guro at doktor. Tinatayang nasa 400 Pilipino ang naninirahan sa Pag-asa Island, karamihan ay mga mangingisda at kanilang pamilya.

Inaangkin ng Beijing ang halos kabuuan ng South China Sea sa kabila ng isang international ruling na nagsabing walang legal na batayan ang naturang pag-aangkin. Inakusahan din ng China ang mga residente ng Pag-asa na iligal na naninirahan doon, habang wala pa itong agarang pahayag hinggil sa bagong command center.

Noong nakaraang buwan, inihayag din ng Pilipinas ang planong palitan ang pangalan ng mahigit 100 features sa Spratlys upang higit na igiit ang “sovereignty” nito sa South China Sea. Tumutol dito ang China at inakusahan ang Maynila ng paglabag sa international law, kasabay ng banta ng hindi tinukoy na mga hakbang upang protektahan ang kanilang pag-aangkin. Mary Anne Sapico

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here