BATAAN- Timbog sa mga awtoridad ang biyuda at 63 anyos na ginang (Senior Citizen) na tulak ng ipinagbabawal na droga matapos masakote ito sa ikinasang buybust operation ng pulisya nitong Huwebes ng gabi, Abril 9 sa Barangay Pag-asa, Dinalupihan.
Batay sa ulat ni Dinalupihan Municipal Police Station Chief of Police Lr.Col. Bjorn John Labos kay Central Luzon Police Director Brigadier General Jess Mendez, balik kulungan ang suspek na kinilalang si alyas “Aling Linda”, 63 anyos, biyuda at residente sa naturang lugar matapos umanong maaktuhang nagbenta ng shabu sa undercover police.
Giit ng suspek na aminado sa pagtutulak ng shabu, ito lang umano ang kanyang alam na paraan para matustusan ang pag-aaral ng kanyang mga apo na ang isa sa mga ito ay ga-graduate.
Sa ulat, dati nang nakulong ang suspek na lola noong nakaraang taon dahil sa pagtutulak ng iligal na droga, kung saan nauna na ring idinahilan nito na ang kinikita ay ipinangtutustos sa pangangailangan ng kanyang mga apo.
Modus umano ng suspek na ibalot sa “Kendi” ang shabu na ibinebenta nito sa kanyang sari-sari store na “walang suklian” upang hindi daw mahalata ang iligal na gawain. Bagay na nabisto umano ng awtoridad.
Narekober sa suspek ang nasa higit siyam na gramo ng suspected shabu na may standard drug price na halos P64,000 at ang marked money na ginamit sa buybust.
Mahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drug Law. ROEL TARAYAO