MANILA, Philippines – Tiniyak ng Department of Agrarian Reform (DAR) na tataas ang ani at kita ng mga magsasaka sa Irosin, Sorsogon matapos ipagkaloob ng DAR ang ₱1.5 milyong halaga ng makinaryang pansaka sa isang lokal na kooperatiba.
Ipinagkaloob ang tulong sa Gabao Samahang Nayon Multi-Purpose Development Cooperative (GASANAMUDECO), na pakikinabangan ng humigit-kumulang 120 magsasaka, kabilang ang 60 Agrarian Reform Beneficiaries (ARBs).
Ayon sa DAR kabilang sa ipinamahaging kagamitan ang isang combine harvester na nagkakahalaga ng ₱1.35 milyon at isang pump irrigation system na nagkakahalaga ng ₱150,000.
Inaasahang mapapabilis nito ang operasyon sa pagsasaka, mapababa ang gastos sa produksyon, at mapabuti ang produksyon ng palay.
Bahagi ito ng Climate Resilient Farm Productivity Support Project ng DAR na naglalayong tulungan ang mga magsasaka na makayanan ang mga hamon dulot ng klima tulad ng bagyo, pagbaha, at panganib ng pagputok ng Bulkang Bulusan.
Sinabi ni OIC-Provincial Agrarian Reform Program Officer I Maria Trinise General, makatutulong ang mga makabagong kagamitan hindi lamang sa pagpapataas ng ani kundi pati sa pagpapatibay ng kakayahan ng mga magsasaka na harapin ang epekto ng climate change.
“Dahil sa mga panganib na kinahaharap ng GASANAMUDECO na dulot ng klima tulad ng baha, bagyo, at banta ng Bulkang Bulusan, malaking tulong ang mga kagamitang ito. Hindi lamang nito mapapabuti ang dami at kalidad ng produksyon ng palay, kundi mapapalakas din ang kakayahan ng mga magsasaka laban sa epekto ng climate change,” aniya.
Kaugnay nito nangako rin ang lokal na pamahalaan ng Irosin na susuportahan ang kooperatiba sa pamamagitan ng pagbili ng kanilang ani, na magbibigay ng mas matatag na pamilihan para sa mga magsasaka.
Samantala nagsagawa rin ng orientation ukol sa proyekto upang matiyak ang maayos at epektibong paggamit ng mga bagong kagamitan.
Muling pinagtibay ng DAR ang kanilang pangako na patuloy na suportahan ang mga magsasaka sa pamamagitan ng mga programang nagpapataas ng produksyon at kabuhayan. Santi Celario