Home NATIONWIDE Bebot tiklo sa estafa, pagpapanggap bilang opisyal ng PCG

Bebot tiklo sa estafa, pagpapanggap bilang opisyal ng PCG

121
0

MANILA, Philippines – Naaresto ng Philippine Coast Guard (PCG), sa pamamagitan ng Coast Guard Intelligence Force, ang isang babaeng suspek dahil sa umano’y estafa at pagpapanggap bilang opisyal ng Coast Guard.

Ang 42 taong gulang na suspek ay residente ng Alcantara, Romblon, at nahuli sa isang boarding house sa Barangay Sta. Lucia, Capas, Tarlac, matapos ang koordinasyon sa mga lokal na awtoridad.

Siya ay itinurn-over sa Capas Municipal Police Station para sa tamang disposisyon.

Ayon sa Philippine National Police, may nakabinbin siyang warrant of arrest para sa kasong pagnanakaw na inilabas ng Regional Trial Court Branch 82 sa Odiongan, Romblon.

Sinusuri rin ng mga awtoridad ang iba pang kaso laban sa kanya gamit ang mga alyas na “Lieutenant Commander Catherine M. Garcia” at “Catherine Garcia,” na may kaugnayan sa illegal recruitment at estafa.

Sa paunang imbestigasyon, lumabas na nagpapanggap umano ang suspek bilang opisyal ng PCG sa social media upang makuha ang tiwala ng mga biktima at makapangikil ng pera sa maling paraan.

Kasalukuyan siyang nakakulong sa Capas Municipal Police Station habang naghahanda ang PCG, kasama ang iba pang ahensya, ng kaukulang kaso laban sa kanya, kabilang ang estafa, usurpation of authority, at mga paglabag kaugnay ng illegal recruitment.

Hinimok ng PCG ang lahat ng posibleng biktima na lumapit at iulat ang mga kahalintulad na insidente sa pinakamalapit na yunit ng PCG upang maisagawa ang tamang dokumentasyon at matulungan sila sa pagsasampa ng kaso.

Muling pinaalalahanan ng PCG ang publiko na maging mapagmatyag laban sa mga nagpapanggap bilang opisyal ng gobyerno o unipormadong tauhan. Jocelyn Tabangcura-Domenden

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here