MANILA, Philippines – Habang tumataas ang temperatura ngayong dry season, tiniyak ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) na may coverage ang kanilang mga miyembro para sa mga sakit na dulot ng init.
Sa pahayag noong Biyernes, Abril 10, sinabi ng PhilHealth na maaaring magamit ang inpatient benefit packages para sa karaniwang sakit tuwing tag-init sa lahat ng PhilHealth-accredited hospitals sa buong bansa upang mabawasan ang gastusin ng mga pasyente.
Kabilang sa mga sakop ang heat stroke, heat exhaustion, heat collapse, heat cramp at sunstroke na may halagang P12,675; heat fatigue at iba pang epekto ng init at liwanag na P18,135; at moderate hanggang severe dehydration na P7,800.
Sakop din ang ibang kondisyon tulad ng bulutong o chickenpox na walang komplikasyon (P7,800), typhoid fever (P19,500), sore eyes o conjunctivitis (P16,575), infectious diarrhea o acute gastroenteritis (P11,700), at pagkalason mula sa pakikipag-ugnayan sa isda at iba pang hayop sa dagat gaya ng jellyfish, sea anemone, shellfish, at starfish (P11,115).
Iginiit din ng PhilHealth na ang mga emergency na pangangailangang medikal, kabilang ang mga kaso na may kinalaman sa init, ay sakop ng Outpatient Emergency Care Benefit (OECB) package na available sa mga accredited Level 1 hanggang 3 na ospital. Ayon sa ahensya, makatutulong ito upang agad na makakuha ng lunas ang mga miyembro at mapalakas ang kanilang proteksyong pinansyal sa oras ng emergency.
“PhilHealth stands ready to protect every Filipino. We want all members to know that coverage is available to help ensure their safety, wherever they are and regardless of the season,” pahayag ni PhilHealth CEO at President Edwin M. Mercado.
Nauna nang nagbabala ang Department of Health (DOH) na tumataas ang panganib ng heat exhaustion at heat stroke tuwing dry season, at maaaring maging malubha at nakamamatay ang mga ito kung hindi agad maagapan.
Ayon sa DOH, ang mga sintomas ng heat stroke ay kinabibilangan ng lagnat, pagkahilo, pagkapagod, pagkawala ng malay, at pamumula ng balat.
Upang maiwasan ang mga sakit na dulot ng init, pinayuhan ng DOH ang publiko na uminom ng hindi bababa sa pito hanggang walong baso ng tubig araw-araw, iwasan ang mabibigat na gawain sa labas mula alas-9 ng umaga hanggang alas-4 ng hapon, at gumamit ng proteksyon tulad ng payong, sumbrero, o pamaypay kapag lalabas.
Hinikayat din ang pagsusuot ng magaan at maluluwag na damit upang makatulong sa pag-regulate ng temperatura ng katawan sa panahon ng matinding init. RNT/MND