MANILA, Philippines – Sinabi ng mga motorista at Public Utility Vehicle (PUV) drivers na masyadong maliit ang inaasahang oil price rollback sa susunod na linggo para magkaroon ng malaking epekto sa kanilang gastos.
Inihayag ng Department of Energy (DOE) na posibleng magkaroon ng rollback dahil sa galaw ng presyo ng langis sa world market sa loob ng apat na araw na oil trading.
Batay sa industry sources, maaaring bumaba ng humigit-kumulang ₱5.50 hanggang ₱6.40 kada litro ang diesel, habang hanggang ₱1 naman kada litro ang gasolina, bagama’t wala pang final na halaga.
Ikinatuwa ng mga driver ang rollback pero sinabi nilang hindi ito sapat.
Ayon kay Energy Secretary Sharon Garin, ang presyo ng langis ay base sa komputasyon at 5-day average ng world market prices, kaya hindi ito basta-basta itinatakda ng mga oil company.
Sa kasalukuyan, bumaba ang Dubai crude sa humigit-kumulang $102 kada bariles mula $120, habang ang Brent crude ay bumaba rin sa $95 mula $110 bago muling tumaas sa $97.
Sinabi rin ng DOE na sapat pa ang suplay ng langis ng bansa para sa humigit-kumulang 50 araw at patuloy ang pagtaas ng imbentaryo nito. RNT/MND