MANILA, Philippines – Limang high value individual (HVI), kabilang ang isang dating pulis, ang nalambat ng mga operatiba na pinangunahan ng mga tauhan ng District Drug Enforcement Unit ng Southern Police District (DDEU-SPD) kung saan nakumpiskahan ang mga ito ng mahigit ₱91 milyong halaga ng shabu at iba’t-ibang uri ng armas sa Parañaque City Huwebes ng gabi, Abril 9.
Kinilala ni acting SPD District Director P/Col. Glenn Oliver C. Cinco ang mga nadakip na suspek na sina alias Bossing, 35; alyas James, 49, dating miyembro ng PNP na nadestino sa Station Anti-Illegal Drugs (SAID) ng Mandaluyong City police at nag-resign noong taong 2007; Alyas Jezreel, 29; alyas Hazel, 25; at isang alyas Ricardo, 49, na di-umanoý live-in partner ni alyas Bossing.
Base sa report na natanggap ni Cinco, naganap ang pagdakip sa mga suspek sa Barangay Sun Valley, Parañaque City bandang alas 6:28 ng gabi sa ikinasang buy-bust operation na pinamunuan ng DDEU-SPD, sa pakikipagkoordinasyon ng PDEA, DID-SPD, HPG-SOD/TF Limbas, RPDEU PRO-4A, RID PRO-4A, PDEG SOU NCR, PDEA Laboratory Service, Parañaque CPS SDEU, at ng Sub-Station 7.
Ayon kay Cinco, sa isinagawang imbestigasyon ay napag-alaman na ang mga narekober na ilegal na droga ay may koneksyon sa mga nahuli ng PRO4A sa Puerto Galera noong nakaraang Marso 31.
Sa ikinasang operasyon ay narekober sa mga suspek ang 13.389 kilo ng hinihinalang shabu at limang container ng liquid crystalline substance na may kabuuang halaga na ₱91,045,200; dalawang kalibre .45 pistola, isang Bushmaster rifle, ₱319,950 cash, at ilang communication devices.
Nahaharap sa kasong paglabag sa Sections 5, 13, at 26, Article II ng Republic Act No. 9165 at Republic Act No. 10591 ang mga suspek na kasalukuyang nakapiit sa DDEU custodial facility habang inihahanda ang pagsasampa ng mga nabanggit na kaso laban sa kanila sa Parañaque City Prosecutor’s Office.
“This operation sends a clear message that no drug syndicate is beyond our reach. The Southern Police District will pursue those who distribute illegal drugs and ensure they are held accountable under the law,” ani Cinco. (James I. Catapusan)