Home NATIONWIDE Inter-Agency Strategy sa pagsagip ng trabaho, MSMEs, panawagan ni Gatchalian

Inter-Agency Strategy sa pagsagip ng trabaho, MSMEs, panawagan ni Gatchalian

107
0

MANILA, Philippines – Nanawagan si Senador Win Gatchalian sa pamahalaan na agarang magpatupad ng isang coordinated inter-agency strategy upang maprotektahan ang mga trabaho at makapagbigay ng suporta sa micro, small, and medium enterprises (MSMEs) na lubhang naapektuhan ng tensyon sa Gitnang Silangan.

Ayon kay Gatchalian, bahagi ito ng mga short-term proposal na binuo ng Proactive Response and Oversight for Timely and Effective Crisis Strategy (PROTECT) ad hoc committee.

“Ang pagtaas ng presyo ng langis ay maaaring magdulot ng mas maraming tanggalan sa trabaho at freeze hiring, lalo na sa mga sektor na nakadepende sa transportasyon, kuryente, at delivery,” aniya.

Bilang chairman ng PROTECT panel, iginiit ni Gatchalian na dapat maglaan ang pamahalaan ng concessional credit para sa MSMEs at pansamantalang tulong-operasyon para sa mga sektor na labis na naaapektuhan ng pagtaas ng presyo ng langis.

Tinukoy din ng senador na maaaring gamitin ang P1.965 bilyon na hindi pa nagagastos na pondo sa ilalim ng mga programa ng Department of Trade and Industry (DTI) para sa MSMEs sa 2026 General Appropriations Act upang suportahan ang sektor.

Dagdag pa niya, maaari ring ilaan ang karagdagang P309.9 milyon mula sa hindi pa nagagamit na pondo ng DTI sa ilalim ng 2025 continuing appropriations para sa mga programang pang-suporta sa MSMEs.

Aniya, dapat ding samahan ang mga programang ito ng mga emergency support program mula sa Department of Labor and Employment (DOLE) at sa Technical Education and Skills Development Authority (TESDA), partikular sa reskilling at upskilling ng mga manggagawang nawalan ng trabaho. Ernie Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here