Home NATIONWIDE 3-term school calendar sa SY 2026–2027, pinaghahandaan ng DepEd

3-term school calendar sa SY 2026–2027, pinaghahandaan ng DepEd

201
0

MANILA, Philippines – Naghahanda ang mga paaralan sa buong bansa para sa paglipat sa three-term school calendar sa School Year 2026–2027, habang nagsasagawa na ang Department of Education (DepEd) ng serye ng orientation para sa mga guro at school leaders.

Layunin ng rollout na matulungan ang pagpapatupad ng mga reporma sa learning system at maagang maihanda ang mga paaralan para sa mga pagbabago sa susunod na school year.

Ayon kay Education Secretary Sonny Angara, mahalaga ang mga orientation para malinaw na maipaliwanag sa mga opisyal ng paaralan at guro ang bagong polisiya bago ito ipatupad.

“Magiging matagumpay lamang ang mga repormang ito kung lubos na mauunawaan ng ating mga guro at school leaders kung paano ito ipatutupad sa aktuwal na sitwasyon,” ani Angara.

“Sa pamamagitan ng mga orientation na ito, nais nating matiyak na handa at suportado ang ating mga paaralan para sa darating na school year,” dagdag niya.

Isa sa mga unang session ay ginanap noong Abril 8 sa Miriam College sa Quezon City, kung saan tinalakay ang mga reporma sa ilalim ng Learning Systems strand.

Ayon kay Assistant Secretary Jerome Buenviaje, layunin ng mga polisiya ang magkaroon ng “humane system for teachers, learners, families that protects the conditions for real learning to happen.”

Kabilang sa mga tinalakay ang three-term school calendar, bagong classroom assessment at grading guidelines, at pinatibay na Senior High School curriculum.

Tinalakay din ang flexible learning programs, learning continuity sa panahon ng emergencies, work immersion at off-campus learning, at updated lesson planning guidelines.

Ayon sa DepEd, bahagi ito ng mas malawak na layunin na mapabuti ang kalidad ng basic education at mapalakas ang K to 12 curriculum.

Magpapatuloy ang mga orientation sa buong bansa, mula sa regional at division officials hanggang sa school heads na magpapasa ng impormasyon sa mga paaralan.

May nakatakdang sessions para sa master teachers at classroom teachers sa Mayo, at nilinaw rin ng DepEd na hindi kailangang pumasok ang mga guro sa kanilang 30-day break ngayong Abril.

Ayon sa DepEd, phased approach ang ginagawa upang mas maayos na makapaghanda ang mga paaralan at maiwasan ang abala sa pagtuturo at pag-aaral. RNT/MND

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here