Home NATIONWIDE US, Iran envoys nakipagkita sa Pakistani PM sa nagpapatuloy na negosasyon

US, Iran envoys nakipagkita sa Pakistani PM sa nagpapatuloy na negosasyon

102
0

MANILA, Philippines — Nagsimula na ang negosasyon sa pagitan ng United States at Iran sa Islamabad, Pakistan, sa layuning wakasan ang anim na linggong giyera sa Middle East.

Nagpulong ang mga delegado ng dalawang bansa kay Pakistani Prime Minister Shehbaz Sharif, na nagsisilbing tagapamagitan sa usapan na ginanap sa Serena Hotel.

Pinangunahan ni Iranian parliamentary speaker Mohammad Bagher Ghalibaf ang delegasyon ng Iran, habang kinatawan naman ng US si Vice President JD Vance, kasama ang ilang mataas na opisyal ng White House.

Ayon kay Sharif, umaasa siyang magsisilbing hakbang ang negosasyon tungo sa pangmatagalang kapayapaan sa rehiyon.

Gayunman, nananatiling malayo ang paninindigan ng magkabilang panig sa mahahalagang isyu tulad ng parusa (sanctions), sitwasyon sa Lebanon, at pagbubukas ng Strait of Hormuz.

Iginiit ng Iran na kailangan munang alisin ang sanctions at itigil ang opensiba ng Israel sa Hezbollah, habang binigyang-diin naman ng US na pangunahing layunin nito ang pagpigil sa Iran na magkaroon ng nuclear weapons.

Kapansin-pansin din ang kawalan ng tiwala ng Iran sa US, kung saan sinabi ng kanilang mga opisyal na paulit-ulit umano itong lumalabag sa mga kasunduan.

Sa kabila nito, sinabi ni Vance na bukas ang US sa tapat na negosasyon, ngunit nagbabala laban sa anumang panlilinlang.

Nanatiling mahigpit ang seguridad sa Islamabad habang tinututukan ng iba pang bansa ang pag-uusap na maaaring maging “make or break” sa pagtatapos ng sigalot. RNT/JGC

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here