Home NATIONWIDE Kailangan ng batas sa pagsuspinde ng VAT sa petroleum products – Malakanyang

Kailangan ng batas sa pagsuspinde ng VAT sa petroleum products – Malakanyang

96
0

MANILA, Philippines – SINABI ng Malakanyang na mangangailangan ng batas para suspendihin ang value-added tax (VAT) sa petroleum products dahil wala ito sa kapangarihan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.

Ang paglilinaw ay ginawa ni Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro kasunod ng panawagan ng ilang business groups, kabilang na ang Philippine Chamber of Commerce and Industry (PCCI), na alisin ang VAT sa fuel sa gitna ng tumataas na global oil prices.

“Sa ngayon, wala kasing batas na nagbibigay ng anumang emergency powers para sa Pangulo na siya ay mag-suspend ng VAT sa fuel products. Ito po ay nakasalalay po sa Kongreso,” ang sinabi ni Castro.

Sa ilalim kasi ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) law, ang petroleum products ay subject sa isang 12-percent VAT, bukod pa sa excise taxes, na may mahalagang bahagi sa pump prices.

Matatandaang, tinintahan ni Pangulong Marcos ang batas na nagbibigay kapangyarihan sa kanya na suspindihin o bawasan ang excise tax sa produktong petrolyo.

Ito ay sa ilalim ng Republic Act No. 12316, na nag-amyenda sa National Internal Revenue Code upang payagan ang Pangulo na pansamantalang bawasan o alisin ang buwis sa langis sa panahon ng mataas na presyo nito sa pandaigdigang merkado.

Aniya pa, maingat na binabalanse ng administrasyon ang pangangailangan na makapagbigay ng kaginhawaan at panatilihin ang government revenues.

“Ang Pangulo po kasi binabalanse po ang lahat… ang buwis din ay kailangan para sa pondo ng gobyerno para mayroon pa pong mga iba pang mga prayoridad,” ang sinabi ni Castro.

Winika pa ng Malakanyang na pinopondohan ng government revenues ang mga mahahalagang programa kabilang na ang infrastructure, social services at target na subsidies na naglalayong pagaanin ang paghihirap ng vulnerable sectors mula sa mataas na halaga.

Sa kabila ng limitasyon sa executive authority, winika ni Castro na pinag-aaralan ng gobyerno ang posibleng tax-related interventions. KRIS JOSE

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here