MANILA, Philippines – Maaaring magdulot ng pinsala at pananagutan sa ilalim ng batas ang sadyang pagpapakalat ng maling impormasyon o ‘Fake News’.
Ito ang sinabi ni Justice Secretary Fredderick Vida matapos pormal na lagdaan ang memorandum of agreement (MOA) kasama ang Department of Information and Communications technology at Presidential Communication Office para sa pagpapaigting ng monitoring at aksyon laban sa misinformation at disinformation.
Sa kabila nito, nilinaw ni Vida na protektado pa rin ang freedom of expression at hindi saklaw ang lehitimong opinsyon.
Ayon kay Vida, ang kasunduan ay layong mapabilis ang ugnayan ng tatlong ahensya gayundin ang turn-over ng mga ebidensya at maisampa agad ang mga kaso at maaksyunan agad ang mga nagpapakalat ng ‘Fake news’
Sinabi naman ni PCO Secretary Dave Gomez na ang isa sa dahilan ng MOA signing ng “Kontra Fake News” ay ang pinangangambahang mga maling impormasyon lalo na sa mga sitwasyon ng national emergencies.
Nilinaw din ni Gomez na ang paglagda ay hindi lamang dahil sa kumalat na Fake News kaugnay sa tunay na kalusugan ng Pangulong Ferdinand ‘Bongbong Marcos Jr o sa nararanasan krisis ngayon sa produktong petrolyo kundi binabantayan din ang kapakanan ng ating mga kababayan lalo na sa panahon ng national emergecies.
“Hindi lang ito kasunduan sa papel. Ito ay matibay na pangako, kailanman hindi magpapalakas ang mga Pilipino sa kasinungalingan.”
Idinagdag pa na hindi kasinungalingan ang susulat sa ating kinabukasan at hindi ‘Fake News’ ang magdidikta ng ating kasaysayan.
Sa panig naman ni DICT Secretary Henry Aguda, binanggit na tumugon na ang Meta sa kanilang sulat at suportado nito ang naturang inisyatiba.
Binigyang-diin ni Aguda na ang pagpapakalat ng misinformation, disinformation, at AI generated deepfakes ay hindi na simpleng tsismis.
Nagdudulot na ito ng pagkawala ng tiwala ng publiko.
Kapag nawalan aniya ng tiwala ay mahihirapan tayong panatilihin ang isang matatag na bansa.
“Ang role namin ay cybersecurity and digital trust, protecting our digital space from coordinated deception including AI driven threats,” ani Aguda. Jocelyn Tabangcura-Domenden