Home HOME BANNER STORY Paghingi ng permiso ng DFA sa US bago bumili ng langis sa...

Paghingi ng permiso ng DFA sa US bago bumili ng langis sa Russia, sinita ng senador

102
0

MANILA, Philippines – Kinuwestiyon ng ilang senador nitong Lunes, Abril 13, kung bakit kailangan pang humingi ng pahintulot ang Pilipinas sa United States bago makapag-import ng langis mula sa Russia, sa gitna ng pangangailangang agad na mapalakas ang suplay ng langis sa bansa.

Sa pagdinig ng Senate Proactive Response and Oversight for Timely and Effective Crisis Strategy o PROTECT committee, sinabi ni Sen. Sherwin Gatchalian na hindi niya maunawaan kung bakit kailangan pang dumaan sa Washington ang proseso gayong kailangang-kailangan na ng bansa ang dagdag na suplay sa mga susunod na buwan.

Binalikan niya na nang magsimula ang sigalot sa Middle East, nakakuha ang Pilipinas ng fuel products mula sa Russia matapos pansamantalang luwagan ng US ang sanctions sa Russian crude oil sa loob ng isang buwan. Nauna ring sinabi ni Philippine Ambassador to Washington, D.C. Jose Manuel Romualdez na humihiling ang Pilipinas ng tatlong buwang extension ng waiver.

“Bakit kailangan magpaalam sa US because time is of the essence here and we need the oil yesterday. Kung magpapaalam pa tayo that will obviously delay the delivery of oil supply. What’s the technical reason?” tanong ni Gatchalian.

Ipinaliwanag ni DFA Secretary Ma. Theresa Lazaro na nakatali ang usapin sa sanctions na ipinataw kasunod ng 2022 invasion ng Russia sa Ukraine, kaya nakikipag-ugnayan ang embahada ng Pilipinas sa Washington sa US Department of State at Department of Treasury upang makakuha ng exemption. Binigyang-diin niya na hindi kayang isugal ng Pilipinas ang posibilidad na mapatawan ng sanctions dahil konektado ito sa pandaigdigang financial system.

Iginiit naman ni Gatchalian na kung walang hadlang sa Philippine National Oil Company para direktang umorder ng petroleum mula sa Russia at bayaran ito sa US dollars o anumang currency, dapat itong gawin agad. Aniya, higit na dapat manaig ang interes ng bansa lalo na kung ang kapalit ng pagkaantala ay kakulangan sa suplay at pagtaas ng inflation.

Nakisimpatya rin si Sen. Imee Marcos sa puntong ito at kinuwestiyon kung bakit tila labis ang pag-asa ng Pilipinas sa pahintulot ng Washington gayong may iba nang ASEAN countries na direktang nakipagtransaksiyon sa Russia kahit may umiiral na sanctions.

“Other ASEAN countries who recognize the sanctions and respected the US’ wishes directly went to Russia and dealt with them. Why are we still so scared? Why is it all Washington? Are we still a colony?” ani Marcos.

Samantala, ipinagtanggol ni Department of Energy Secretary Sharon Garin ang naging hakbang ng DFA, at sinabing ayaw bumili ng mga pribadong kumpanya hangga’t walang malinaw na katiyakan na hindi sila hahabulin ng US.

Sa huli, tiniyak ni Lazaro sa mga senador na nagpapatuloy ang pakikipag-usap ng gobyerno at agad nilang kikilos. “We’ll endeavor to do that Mr. Chair. In fact, we’ll call Washington and Moscow as soon as possible,” aniya. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here