Home METRO Pagrekrut ng NPA sa kabataang Fil-Am, ikinabahala ng kasundaluhan

Pagrekrut ng NPA sa kabataang Fil-Am, ikinabahala ng kasundaluhan

104
0

MANILA, Philippines – Nagpahayag ng pangamba ang 2nd Infantry Division ng Philippine Army kaugnay ng mga ulat na may mga Filipino-American youth sa United States na nirerekrut ng mga indibidwal na iniuugnay sa Communist Party of the Philippines–New People’s Army o CPP-NPA.

Sa isang pahayag, sinabi ni 2ID public affairs office chief Col. Michael Aquino na ang mga ulat, na una nang inilabas ng U.S.-based group na Filipino-Americans Against Communist Terrorism o FACT, ay nagpapakita umano ng nakakabahalang padron ng recruitment na nakatuon sa mga kabataan sa ibayong dagat.

“The information coming from various sources, including Filipino-American organizations themselves, confirm that the CPP-NPA continues to recruit and exploit young people, including those from overseas communities, and draw them into a terrorist movement that endangers their lives,” pahayag ni Aquino.

Ayon sa kanya, kadalasang napapaniwala ang mga Filipino-American youth na may sinusuportahan silang makatarungang adhikain, ngunit sa huli ay nailalagay umano sila sa panganib at nagagamit sa marahas na ideolohiya.

“Instead of contributing to a noble cause, they are placed in dangerous situations and used to advance a violent ideology that has brought suffering to communities for decades,” dagdag niya.

Nanawagan si Aquino sa mga pamilya, komunidad ng mga Pilipino, at mga organisasyon sa abroad na maging mapagmatyag upang hindi maakit ang mga kabataan sa extremist movements. Muli rin niyang hinikayat ang mga natitirang miyembro ng armadong grupo na iwan ang dahas at bumalik sa ilalim ng batas, kung saan may mga programa umano ang pamahalaan upang tulungan silang makapagsimulang muli at makapiling ang kanilang mga pamilya.

Nauna nang sinabi ng FACT na may ilang Filipino-American activist na umano’y na-recruit sa United States ng mga operatibang may kaugnayan sa CPP-NPA at kalaunan ay dinala sa Pilipinas upang sumailalim sa exposure at training kasama ng armadong grupo sa kabundukan ng Occidental Mindoro.

Isa sa mga tinukoy ay si Chantal Anicoche, 24-anyos at nagtapos sa University of Maryland, na nasagip nang buhay ng mga tropa ng gobyerno noong Enero 8 matapos ang engkuwentro noong Enero 1 sa Abra de Ilog, Occidental Mindoro. Ayon sa ulat, ilang araw siyang nabuhay nang walang pagkain at tubig bago mabigyan ng medical assistance at humanitarian support at maibalik sa kanyang pamilya sa Maryland.

Lumabas din sa mga ulat na kasama umano ni Anicoche sa Mindoro ang isa pang Filipino-American activist na si Cristina Pasion, na pinaniniwalaang nanatili sa armadong grupo matapos ang engkuwentro noong Enero.

Binanggit din ng Army ang pagkakadakip noong Marso 29 kay Charlize Garzon, alyas “Ka Kaye,” ilang metro lamang mula sa lugar kung saan napatay si Army Capt. Dean Oyando at nasugatan ang dalawa pang sundalo. Nahaharap na ngayon si Garzon sa mga kasong kriminal kaugnay ng insidente.

Ayon kay Aquino, ang mga dokumento, journal, handwritten notes, isang M-16 rifle, at iba pang war materials na narekober sa mga encounter site ay lalo umanong nagpapatibay sa posibilidad na may mga dayuhang indibidwal sa hanay ng grupong NPA na kumikilos sa lugar. Mary Anne Sapico

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here