MANILA, Philippines – Humiling ang mga abogado ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa International Criminal Court (ICC) Appeals Chamber na payagan siyang hindi dumalo sa Abril 22 na pagbasa ng desisyon kaugnay ng kanyang jurisdiction challenge.
Ayon sa depensa, kakatawanin na lamang siya ng kanyang abogado at nakapagsumite na rin siya ng pirmadong waiver.
Nahaharap si Duterte sa tatlong bilang ng crimes against humanity kaugnay ng kanyang “war on drugs” noong siya ay alkalde ng Davao City at kalaunan bilang pangulo ng Pilipinas.
Bagamat umatras ang Pilipinas sa ICC noong 2019 sa utos ni Duterte, iginiit ng korte na may hurisdiksyon pa rin ito sa mga kasong naganap mula 2011 hanggang 2019.
Inapela ng kampo ni Duterte ang naturang ruling.
Nauna nang isinagawa ang confirmation of charges hearing noong huling bahagi ng Pebrero upang matukoy kung dapat siyang litisin, ngunit hindi siya dumalo. Ayon sa depensa, siya ay may sakit, habang sinabi naman ng ilang biktima na iniiwasan niyang harapin ang mga pamilya ng nasawi sa drug war.
May hanggang 60 araw ang mga hukom upang ilabas ang desisyon matapos ang pagdinig. Maaari nilang ituloy ang kaso, ibasura ang ilang kaso, o tuluyang i-dismiss ito na magreresulta sa paglaya ni Duterte. RNT/MND