MANILA, Philippines – Maaaring maramdaman ng mga sambahayan ang pagbaba ng gastusin sa gatong sa loob ng isa hanggang dalawang araw matapos ipatupad ng pamahalaan ang suspensiyon ng excise tax sa liquefied petroleum gas o LPG at kerosene, ayon sa Department of Finance.
Inanunsyo ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang hakbang noong Abril 13.
Nakasandig ang suspensiyon sa Republic Act No. 12316 na nilagdaan noong Marso 25 at nagkabisa ngayong buwan. Ipinagkakaloob ng batas sa Pangulo ang emergency powers upang suspendihin o bawasan ang fuel excise taxes batay sa rekomendasyon ng Development Budget Coordination Committee, sa pakikipag-ugnayan sa Department of Energy, at maaaring gamitin ang kapangyarihang ito hanggang Disyembre 31, 2028.
Sa ilalim ng batas, maaaring ipatupad ang suspensiyon o pagbabawas nang hanggang tatlong buwan kung ang average Dubai crude oil price ay umabot o lumampas sa $80 kada bariles sa loob ng isang buwan.
Bago ang suspensiyon, ang excise tax sa ilalim ng TRAIN Law ay nasa P3.00 kada kilo para sa LPG at P5.00 kada litro para sa kerosene.
Sa pagpapatupad ng tax break, sinabi ng DOF na maaaring makatipid ang mga consumer ng humigit-kumulang P36.96 sa bawat 11-kilogram LPG cylinder at P5.56 kada litro ng kerosene.
Sinabi rin ni DOF Undersecretary Rolando Ligon Jr. na maaaring maramdaman ang epekto nito sa loob ng isa hanggang dalawang araw.
Ayon kay Finance Secretary Frederick Go, layunin ng hakbang na magbigay ng target na ayuda habang pinangangalagaan ang fiscal sustainability ng pamahalaan. Ipinakita ng datos na halos 48% ng konsumo ng kerosene ay mula sa bottom 30% ng mga sambahayan, habang 55.7% ng mga gumagamit ng LPG ay kabilang sa bottom 70%. “This means the benefits extend beyond the poorest households to also support middle-income families. For these families, every peso saved on fuel costs means more resources for food, education, and healthcare,” ani Go.
Sinabi naman ni Energy Secretary Sharon Garin na tinitingnan ng pamahalaan ang usapin sa mas malawak na antas. “I think the government has to see it at a macro level, not just at the individual level. If poverty increases, it will affect the whole country if we do not prioritize those who need help the most,” aniya. “I think this advantage will be felt by everyone, whether you are middle class, upper, or lower,” dagdag pa niya.
Samantala, ipinaliwanag ng Department of Finance na hindi isinama ang gasolina at diesel dahil mas malaki ang magiging epekto nito sa kita ng pamahalaan ngunit limitado lamang ang maibibigay na ginhawa sa pump prices.
Tinatayang aabot sa P4.1 bilyon ang mawawalang kita sa tatlong buwang suspensiyon ng excise tax sa LPG at kerosene, ngunit maaari itong umakyat sa P43.6 bilyon kung isasama ang diesel at gasolina. “(T)he DBCC has determined that suspending excise taxes on diesel and gasoline would not likely provide meaningful relief, as any reduction in retail pump prices would be marginal and largely offset by prevailing market dynamics,” sabi ni Go.
Nauna nang iniutos ng administrasyon ang pagpapalabas ng P21.47 bilyon para sa fuel subsidies at infrastructure support, habang naipatutupad na rin ang subsidiya para sa transport sector, mga magsasaka, at mangingisda. Dave Baluyot