MANILA, Philippines – Nasa P49.3 milyon halaga ng hinihinalang smuggled cigarettes ang narekober sa magkakahiwalay na police operations sa Bacolod at Himamaylan cities sa Negros Occidental, ayon sa ulat ng Police Regional Office-Negros Island Region.
Sa Bacolod City, isinuko ng dalawang lalaki—isang van driver at kanyang helper—ang hinihinalang smuggled cigarettes matapos ipaalam sa mga pulis na nagbabantay sa checkpoint sa Barangay Villamonte na sila ang nagdadala ng kargamento.
Ayon sa imbestigasyon, inupahan sila ng hindi pa nakikilalang indibidwal upang ilipat ang mga kahon mula sa isang hindi tukoy na bodega, ngunit naghinala sila matapos mapansin ang mga marka sa mga kahon. Inutusan umano sila ng kanilang employer na tumuloy sa Bacolod City Police Station 4.
Habang papunta sa himpilan bandang alas-3 ng madaling araw, nadaanan nila ang checkpoint at dito nila iniulat sa pulisya ang kanilang kargamento. Kabilang sa isinuko nina driver “Mar” at helper “Ky” ang 200 kahon ng Tabaco cigarettes at 15 kahon ng Cannon cigarettes na tinatayang nagkakahalaga ng PHP21 milyon. Inilipat ang mga ito sa kustodiya ng Police Station 4 at isasailalim sa beripikasyon ng Bureau of Internal Revenue.
Sa Himamaylan City naman, nasabat ng regional intelligence unit ang PHP25 milyon halaga ng illicit cigarettes sa Barangay To-oy noong Abril 13.
Bandang alas-5:20 ng umaga, inaresto ng mga operatiba ang truck driver na si alias “Geo,” 43 anyos at residente ng Canlaon City, Negros Oriental, habang nagdadala ng tinatayang 500 master cases ng sigarilyong may unauthorized tax seals at walang kinakailangang graphic health warning labels.
Nagsagawa ng imbentaryo at dokumentasyon ang mga operatiba sa mismong lugar, habang inilagay sa kustodiya ng PRO-NIR Regional Intelligence Division ang suspek.
Bago mag-alas-5 ng hapon sa parehong araw, isa pang joint police operation sa Barangay Su-ay ang nagresulta sa pagkarekober ng PHP3.345 milyon halaga ng illicit cigarettes at pag-aresto kay alias “Joe,” 32, isang laborer. Ayon sa pulisya, nasumpungan siyang may dalang illicit cigarettes na walang BIR tax stamps sakay ng isang puting Toyota Hi-Ace van.
Kabilang sa mga nasamsam ang 53 master cases ng Tabaco American Blend, siyam na master cases ng Cannon 100’s Special American Blend, apat na master cases ng Conrad Menthol, at 45 reams ng Tabaco American Blend. Inilagay rin sa kustodiya ng pulisya ang suspek, habang ang mga nasamsam na produkto ay itinurn-over sa BIR Revenue Region 12 sa Bacolod City.
Sa isang pahayag, sinabi ni PRO-NIR Director Brig. Gen. Arnold Thomas Ibay na ipinakita ng matagumpay na operasyon ang bisa ng intelligence-driven policing sa pagprotekta sa kita ng gobyerno at pagpapatupad ng batas. “I commend the operating units for their swift, decisive, and coordinated action,” dagdag niya. Mary Anne Sapico