Home HOME BANNER STORY Peace talks sa pagitan ng US at Iran, posibleng umarangkada muli

Peace talks sa pagitan ng US at Iran, posibleng umarangkada muli

119
0

WASHINGTON – Maaaring maipagpatuloy ng United States at Iran ang usapang pangkapayapaan sa Pakistan sa mga susunod na araw sa kabila ng ipinatupad ng Washington na blockade sa mga pantalan ng Iran, isang hakbang na lalong nagpaigting sa tensyon kahit may mga palatandaang muling bubukas ang negosasyon.

Sinabi ni U.S. President Donald Trump na may maaaring mangyari “over the next two days,” habang nagpahiwatig din ang mga opisyal mula Gulf states, Pakistan, at Iran na maaaring muling magharap ang dalawang panig sa linggong ito, bagamat sinabi ng isang senior Iranian source na wala pang tiyak na petsa.

Lumabas ang posibilidad ng panibagong pag-uusap matapos mabigong magkaroon ng breakthrough ang weekend negotiations sa Islamabad, na nagdulot ng pagdududa sa magiging kapalaran ng two-week ceasefire na may natitira pang isang linggo.

Kabilang sa pangunahing usapin ang access sa Strait of Hormuz, nuclear program ng Iran, at international sanctions laban sa Tehran.

Ang blockade ng U.S. ay kasunod ng paghihigpit ng Iran sa pagdaan ng mga sasakyang-dagat sa Strait of Hormuz matapos sumiklab ang digmaan noong Pebrero 28 sa pagitan ng United States, Israel, at Iran.

Sinabi ng U.S. military na sinimulan nitong harangin ang shipping traffic papasok at palabas ng mga pantalan ng Iran noong Lunes, habang nagbabala ang Tehran na maaari itong gumanti laban sa mga naval ship sa strait at sa mga pantalan ng mga kapitbahay nitong Gulf states.

Ayon sa U.S. Central Command, mahigit 10,000 tauhan, mahigit isang dosenang warships, at dose-dosenang aircraft ang sangkot sa operasyon, at anim na merchant vessel ang napilitang bumalik sa unang 24 oras. Gayunman, ipinakita ng shipping data na maliit pa lamang ang naging epekto ng blockade sa trapiko sa Hormuz, kung saan hindi bababa sa walong barko ang tumawid noong Martes.

Patuloy namang nagpapabigat sa global energy at economic outlook ang tensyon. Bumaba sa ilalim ng $100 ang benchmark oil prices noong Martes dahil sa pag-asa sa posibleng pagpapatuloy ng diplomasya, ngunit nagbabala ang International Monetary Fund na maaaring mapunta sa bingit ng recession ang pandaigdigang ekonomiya kung lalala ang sigalot at mananatili sa mahigit $100 kada bariles ang presyo ng langis hanggang 2027.

Sa usapin ng nuclear negotiations, sinabi ni U.S. Vice President JD Vance na nais ng Washington na alisin ang lahat ng enriched nuclear material ng Iran at maglatag ng mekanismo upang mapatunayan na hindi ito gumagawa ng nuclear weapons.

Ayon sa isang source na may alam sa usapan, nagpanukala ang U.S. ng 20-year suspension sa lahat ng nuclear activity ng Iran, ngunit sinabi ng dalawang Iranian source na tinanggihan ito ng Tehran at sa halip ay nagmungkahi lamang ng tatlo hanggang limang taong paghinto. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here