MANILA, Philippines – Tiniyak ng Department of Agriculture nitong Martes na mananatiling matatag ang suplay ng bigas sa buong taon sa kabila ng epekto ng pandaigdigang oil price pressures, dahil sa malakas na lokal na ani at sapat na suplay sa pandaigdigang merkado.
Sa isang pahayag, sinabi ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. na nananatiling ligtas ang suplay ng bigas sa bansa bunsod ng magandang ani ng lokal na palay at tuloy-tuloy na availability mula sa mga pangunahing rice exporter gaya ng Vietnam at India.
“If ever there will be a problem, it’s not going to be this year,” aniya.
Nilinaw rin ni Tiu Laurel na ang inaasahang 20 porsiyentong pagbaba sa output ng palay ay isang “worst case scenario” lamang kaugnay ng posibleng epekto ng tensyon sa Middle East.
Aniya, nakabatay ang pagtatayang ito sa mas mataas na global oil prices at pagmahal ng fertilizer nang walang government intervention.
Sinabi niya na makatutulong ang “early action, strong inventory levels, and flexible policy tools” upang mapanatili ang food security.
Kabilang sa mga naunang hakbang ng pamahalaan ang pagpapalabas ng fuel subsidies, target na pamamahagi ng PHP10 bilyon sa ilalim ng Presidential Assistance for Farmers and Fisherfolk, planong paggamit ng bahagi ng quick response fund para sa pagbili ng biofertilizers, at karagdagang PHP20 bilyon para sa farm inputs.
Nagbibigay rin ang DA ng logistical support sa mga lokal na food producer upang maibsan ang tumataas na transport costs. Tiniyak din ng ahensiya ang sapat na suplay para sa PHP20 kada kilo na Benteng Bigas Meron (BBM) Na.
Ayon kay Tiu Laurel, tanging bigas na binili ng National Food Authority mula sa mga lokal na magsasaka ang ginagamit sa nasabing programa, na tumutulong kapwa sa affordability para sa consumers at suporta sa domestic producers. Santi Celario