Home OPINION UMIIGTING NA INIT, PANGANIB SA MGA MANLALARO

UMIIGTING NA INIT, PANGANIB SA MGA MANLALARO

114
0

NAGBABALA ang Department of Health sa posibleng pagtaas ng bilang ng mga biktima ng heat stroke ngayong kasagsagan ng tag-init sa bansa.

Pagsapit kasi ng buwan ng Abril, karaniwang nararanasan ang pinakamataas na antas ng temperatura o ‘heat index’ na nagdudulot ng seryosong panganib sa kalusugan, lalo na sa mga aktibong nakikilahok sa mga panlabas na gawain.

Kasabay ng bakasyon ng mga estudyante, muling sumisigla ang iba’t ibang palaro at paliga sa mga komunidad, mula basketball hanggang volleyball at iba pang outdoor games kaya dagsa ang mga kabataan at maging ‘alumni’ na sabik makilahok.

Ngunit sa likod ng kasiyahan at kompetisyon, naroon ang nakaambang panganib dulot ng matinding init na maaaring humantong sa ‘heat exhaustion’ at sa mas malalang kondisyon na heat stroke.

Sabi nga ng mga eksperto sa kalusugan, ang heat stroke ay hindi dapat maliitin. Ito ay isang seryosong kondisyon na maaaring magdulot ng pagkawala ng malay, pagkasira ng vital organs, at sa pinakamasahol na sitwasyon, kamatayan. Kaya naman, mahalaga ang sapat na kaalaman at paghahanda upang maiwasan ang ganitong insidente sa mga palaro.

Responsibilidad ng mga nag-oorganisa na tiyakin ang kaligtasan ng bawat kalahok. Hindi sapat ang maayos na programa at kumpletong kagamitan sa laro; kinakailangang pagtuunan ng pansin ang mga hakbang pangkaligtasan. Dapat ay may sapat na suplay ng inuming tubig, pahingahan na may lilim, at first aid kits na madaling magagamit sa oras ng pangangailangan.

Higit sa lahat, mahalagang magtalaga ng medic team na may sapat na kaalaman sa pagbibigay ng paunang lunas. Ang kanilang presensya ay kritikal sa agarang pagtugon sakaling may makaranas ng pagkahilo, panghihina, o iba pang sintomas ng heat-related illnesses habang nasa gitna ng laro.

Hindi ito basta haka-haka lamang dahil kamakailan, isang malungkot na insidente ang naganap kung saan nasawi ang isang kalahok matapos makaranas ng heat stroke habang naglalaro ng volleyball sa isang alumni sports fest sa Metro Manila. Ang pangyayaring ito ay nagsisilbing matinding babala sa lahat na ang kapabayaan sa kaligtasan ay may kaakibat na mabigat na kapalit.

Sa huli, ang tunay na layunin ng palaro ay hindi lamang ang magtagumpay kundi ang mapanatili ang kaligtasan ng bawat isa. Sa gitna ng tumitinding init, ang pagiging handa at pag-iingat ay hindi na dapat ipagwalang-bahala. Ito ay isang responsibilidad na dapat gampanan ng lahat.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here