Home OPINION “SSS LOANLITE” IMMEDIATE RELIEF LENDING PROGRAM GAMIT UNIONBANK APP INILUNSAD NG SSS

“SSS LOANLITE” IMMEDIATE RELIEF LENDING PROGRAM GAMIT UNIONBANK APP INILUNSAD NG SSS

240
0

MAS pinatibay ng Social Security System (SSS) at UnionBank of the Philippines ang kanilang ugnayan sa pamamagitan ng paglulunsad ng SSS LoanLite. Ito ay isang makabagong ­”fully digital lending program” na naglalayong makapagbigay ng mabilis, ­ligtas, at abot-kayang tulong pinansyal para sa mga manggagawang Filipino. Sa pamamagitan ng programang ito, hindi na kailangang dumaan sa mahabang proseso sa mga sangay ng SSS upang makakuha ng maliit na pondo para sa mga pangangailangan.

Sa pamamagitan ng UnionBank Online App, ang mga miyembro ay maaaring humiram ng P1,000 hanggang P20,000 na maaaring bayaran sa loob ng 15 hanggang 90 araw. Sa ma­babang interes na 8% kada taon.

Layunin ng SSS LoanLite, ilayo ang mga Pinoy sa mapagsamantalang “5-6” o informal lenders. Bukod sa LoanLite, inanunsyo ni SSS President at CEO Robert Joseph M. de Claro na kasalukuyan ding pinag-aaralan ng ahensya ang pagpapatupad ng loan moratorium para sa mga miyembro at condonation prog­ram para sa mga penalties ng mga employer.

Ang mga hakbang na ito ay tugon sa mga hamong pang- eko­nomiya na kinakaharap ng bansa. Layunin ng SSS makapagbigay ng “immediate relief” sa mga miyembrong nagigipit sa pera upang matiyak na hindi mapuputol ang kanilang access sa mga vital benefits.

Sinusuri din ng SSS ang po­sibilidad ng pagpapalawig sa deadline ng kontribusyon para sa mga employers at individual paying members. Ayon kay De Claro, naiintindihan ng ahensya ang hirap na dinaranas ng 40 mil­yong miyembro.

“Sinisiguro namin na mabilis ang aming internal reviews at konsultasyon sa mga stakehol­ders upang mailabas ang mga suportang ito sa lalong madaling panahon, habang pinoprotekta­han ang pangmatagalang pondo ng SSS,” ani De Claro.

Kaakibat nito, patuloy ang SSS sa kanilang digital initiatives upang gawing mas simple ang mga prosesong administratibo. Sa tulong ng teknolohiya, inaasahang mababawasan ang pagsusumite ng maraming dokumento para sa compliance at mas mapapabilis ang paghahatid ng serbisyo at relief measures sa publiko.

Upang maging kwalipikado, dapat ay isang active SSS member ang aplikante, may edad na 18 hanggang 65 taong gulang, at may existing na UnionBank account. Mahalaga rin na walang nakabinbing claim sa SSS para sa retirement o disability.

Bagama’t madali ang pag- apply, pinapaalalahanan ang la­hat na maging responsable sa pa­ngungutang. Siguraduhing suriin ang ka­kayahang magbayad para ma­iwasan ang penalties at ma­pangalagaan ang inyong mga be­nepisyo sa hinaharap.

Hinihikayat ang mga miyembro at employer na antayin ang opisyal na anunsyo sa www.sss.gov.ph o sa kanilang mga official social media channels para sa pinal na detalye ng mga prog­ramang ito.

Ang mga inisyatibong ito ay patunay na ang SSS ay na­na­natiling katuwang ng bawat Filipino sa oras ng pangangai­la­ngan.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here