Home HOME BANNER STORY 3-day transport strike, umarangkada na; ‘di pagsuspinde ng excise tax sa diesel,...

3-day transport strike, umarangkada na; ‘di pagsuspinde ng excise tax sa diesel, gas inireklamo

116
0
(c) Manibela FB Page

MANILA, Philipines – Umarangkada na nitong Miyerkules ang tatlong araw na transport strike ng mga public utility vehicle driver at operator upang igiit ang mas malawak na ayuda mula sa pamahalaan sa gitna ng patuloy na pagtaas ng presyo ng langis, sa pangunguna ng MANIBELA at sinabayan din ng PISTON.

Maagang nagsagawa ng protest action ang mga miyembro ng MANIBELA malapit sa PHILCOA sa Commonwealth Avenue, Quezon City, at iginiit na hindi sapat ang service contracting program ng gobyerno at ang P10 kada litrong fuel subsidy upang matugunan ang kanilang pagkalugi.

(c) MANIBELA FB Page

Ayon sa grupo, mas makabubuti kung ilalaan na lamang sa fuel subsidy ang pondo para sa service contracting upang mas maraming driver ang makinabang.

Sinabi ni MANIBELA chairperson Mar Valbuena na kulang at mabagal ang mga hakbang ng pamahalaan, habang binatikos din niya ang naantalang pagsuspinde ng excise tax at value-added tax sa diesel at gasolina na pangunahing ginagamit ng mga PUV.

“Ganoon kagulang ang pagbubuwis sa taumbayan. Ganoon kasakim ang pamahalaan na kinukuha nila ang lahat ng kita ng mamamayang Pilipino,” aniya.

Nagbabala rin ang mga lider ng transport sector na dumarami na ang mga driver na humihinto sa pamamasada dahil sa lugi. Ayon kay Truck Drivers’ Philippines founder June Magno, umaabot na sa halos 40% ng operating cost ng kanilang sektor ang diesel, habang nasa 20% hanggang 30% na ng mga trucker ang tumigil na sa biyahe. “Ang mga truck po nila ay ini-schedule na lang nila. Hindi na po lahat tumatakbo at tumatawag na lang sila ng on-call para sa mga driver,” ani Magno.

“Kulang na ang driver, hindi pa rin sila makabiyahe, walang kita. Iyan po ang masaklap na dinadaanan ng trucking industry,” dagdag pa niya.

Nagpahayag din ng pangamba ang mga grupo sa service contracting program dahil sa kakulangan umano ng malinaw na guidelines at limitadong coverage, at inakusahan pa ang ilang lokal na opisyal na diumano’y humikayat sa mga driver na huwag sumama sa kilos-protesta.

Ayon sa kanila, hindi layunin ng strike na pahirapan ang mga commuter kundi itulak ang mga hakbang para mapababa ang presyo ng langis at mapatatag ang halaga ng mga pangunahing bilihin. Gayunman, nakita ang hirap ng ilang pasahero sa paghahanap ng masasakyan sa PHILCOA sa unang araw ng tigil-pasada.

Kasabay nito, sinimulan din ng pamahalaan nitong Miyerkules ang service contracting program na tatagal ng dalawang linggo at magbibigay-subsidiya sa mga traditional jeepney, modern jeepney, at bus sa 828 high-density routes sa buong bansa, kabilang ang 545 sa Metro Manila. Sa ilalim ng programa, tatanggap ang mga bus ng P100 kada kilometro, habang P40 kada kilometro naman para sa modern jeepney at P30 kada kilometro para sa traditional jeepney. Santi Celario

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here