Home HOME BANNER STORY Hulog sa GSIS, SSS pinasasagot muna sa gobyerno sa epekto ng krisis...

Hulog sa GSIS, SSS pinasasagot muna sa gobyerno sa epekto ng krisis sa langis – Gatchalian

104
0

MANILA, Philippines – Maaaring pansamantalang akuin ng pamahalaan ang premium contributions sa Government Service Insurance System at Social Security System upang maibsan ang epekto ng tumataas na presyo ng langis at inflation sa mga manggagawa, ayon kay Senator Sherwin Gatchalian nitong Martes.

Sa isang panayam sa radyo, sinabi ni Gatchalian na layunin ng panukala na madagdagan ang maiuuwi ng mga empleyado habang patuloy ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin.

“Ang proposal ng ating committee ay magbigay ng ganitong subsidiya… i-absorb ng gobyerno ‘yung binabayad na premiums o pension premiums sa GSIS at sa SSS,” aniya.

Ayon sa senador, maaaring maibalik sa mga manggagawa ang humigit-kumulang 9 hanggang 10 porsiyento ng kanilang sahod, o katumbas ng nasa PHP2,000 hanggang PHP3,000 kada buwan para sa mga kumikita ng PHP30,000.

Sinabi ni Gatchalian na maaaring umabot sa PHP9 bilyon kada buwan ang gastos ng pamahalaan para rito, depende sa haba ng panahong patuloy na nagtutulak ng inflation ang global tensions. Aniya, naipatupad na rin ang kaparehong hakbang noong panahon ng pandemya at maaari itong muling gamitin bilang pansamantalang intervention.

Idinagdag pa ng senador na bahagi ang panukala ng mas malawak na hakbang para sa targeted subsidies, lalo na para sa mga sektor na higit na apektado ng mataas na presyo ng langis, habang patuloy na sinusuri ng pamahalaan ang posibleng pagkunan ng pondo para sa social interventions sa gitna ng fiscal constraints. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here