MANILA, Philippines – Tinawag ng legal counsel ng kampo ni Vice President Sara Duterte na si Salvador Paolo Panelo Jr. ang sinasabing bagman na si Ramil Madriaga na “weakest link” at iginiit na hindi nito napabulaanan ang ebidensiyang hawak ng depensa.
Sa isang pahayag, sinabi ni Panelo na hindi sinagot ng pinakahuling isinumiteng salaysay ni Madriaga ang umano’y “clear and convincing evidence” na nauna nang iniharap sa perjury complaint ng Bise Presidente.
“Our assessment that Ramil Madriaga would be the weakest link in the impeachment case was fully vindicated today,” ani Panelo.
Ayon sa kanya, nakatuon ang affidavit ni Madriaga sa “irrelevant and immaterial matters” sa halip na tugunan ang mga pangunahing usapin na ibinabato ng kampo ni Duterte.
“As expected, Madriaga failed to address — because he could not address — the clear and convincing evidence presented by the Vice President in the perjury complaint that proves he is a fraud,” dagdag niya.
Kinuwestiyon din ni Panelo ang kredibilidad ng mga alegasyong may kinalaman sa umano’y cash deliveries at mga utos na ipinadaan sa prepaid phones.
“Further, he only presented evidence on irrelevant and immaterial matters, including those already debunked in the perjury complaint, with his core allegations of cash deliveries and instructions through phone calls on prepaid phones conveniently and fatally unverifiable,” aniya.
Iginiit ng kampo ni Duterte na mas lalo lamang umanong ipinakita ng affidavit ang kawalang-katwiran ng mga paratang.
Pinagdudahan din ni Panelo ang alegasyong ipagkakatiwala ng matataas na opisyal, kabilang si dating Pangulong Rodrigo Duterte, ang sensitibong usapin sa seguridad at intelligence sa isang taong wala umano sa opisyal na military o police channels.
Binanggit din niya ang mga ulat na nag-uugnay umano kay Madriaga sa isang kidnapping-for-ransom group na tinukoy ng Philippine National Police bilang kabilang sa mga pinaka-mapanganib na criminal syndicates sa bansa.
Sa kabila nito, sinabi ng legal team ng Bise Presidente na nananatili itong kumpiyansa at handang harapin ang mga alegasyon sa mga susunod na yugto ng proceedings. “The majority of Filipinos will see through the lies,” ani Panelo. RNT