MANILA, Philippines – Tinutulan ng Davao City government ang anumang planong magtayo ng foreign military facilities sa loob ng nasasakupan nito kasunod ng mga ulat tungkol sa isang panukalang US-linked fuel storage facility sa Mindanao.
Sa isang pahayag na inilabas nitong Martes, Abril 14, sinabi ng lokal na pamahalaan na “does not welcome and will oppose any plan to build foreign military facilities within the jurisdiction of Davao City.”
Lumabas ang pahayag matapos iulat, batay sa USNI News, na pinag-aaralan ng Pentagon ang pagtatayo ng isang Defense Fuel Support Point sa Davao region pagsapit ng 2028.
Inaasahang kayang mag-imbak ng pasilidad ng hanggang 41 milyong galon ng fuel products at lubricants upang suportahan ang military operations ng United States bilang bahagi ng mas malawak nitong network ng refueling hubs sa Indo-Pacific.
Kinuwestiyon ng Davao City government ang direktang pakinabang ng proyekto sa mga residente sa gitna ng nagpapatuloy na pandaigdigang tensyon na nagtutulak pataas sa presyo ng langis at mga bilihin.
“If such a plan does not help cushion the impact of the ongoing conflict in the Middle East, such as reducing the price of oil and commodities and alleviating the living conditions of the people, then we will not support it,” ayon sa pahayag.
Nauna namang inihayag ng Armed Forces of the Philippines ang suporta nito sa panukala, at sinabing makatutulong ito sa pagpapalakas ng operational readiness at deterrence. Ayon kay AFP spokesperson for the West Philippine Sea Rear Admiral Roy Vincent Trinidad, papasok ang pasilidad sa umiiral na mga kasunduan tulad ng Enhanced Defense Cooperation Agreement at Visiting Forces Agreement, at nananatili itong nasa ilalim ng kontrol ng Pilipinas.
Sinabi rin ni Trinidad na susuporta ang depot sa humanitarian assistance and disaster response, maritime security, at military sustainment operations sa West Philippine Sea at sa southern borders ng bansa. “The greater risk is to have no deterrence at all,” aniya. “These facilities will help allow the AFP to perform and to sustain these operations. Hence, they serve as a very strong deterrent posture,” dagdag pa niya.
Sa kabila ng pagtutol ng lokal na pamahalaan at suporta ng militar, nananatili pa lamang sa planning stage ang panukalang fuel depot sa Mindanao. Mary Anne Sapico