MANILA, Philippines — Umabot sa 363 Pilipino at mga labi ng 20 overseas Filipino workers ang naibalik sa bansa mula sa Middle East noong Miyerkules, ayon sa Department of Migrant Workers (DMW). Sinabi ng ahensya na ang mga labi ng 20 OFWs ay dumating mula Kuwait nang madaling-araw ng Miyerkules.
Ayon sa DMW, isang pastor at isang pari ang nagsagawa ng basbas sa mga labi bago ito i-turn over sa kani-kanilang pamilya. Nasaksihan ang proseso nina DMW Undersecretary Felicitas Q. Bay, Undersecretary Dominique Rubia-Tutay, at iba pang kinatawan ng DMW at Overseas Workers Welfare Administration (OWWA).
Bandang alas-5:30 ng umaga nang lumapag sa Ninoy Aquino International Airport ang 328 OFWs sakay ng Kuwait Airlines flight. Sumunod namang dumating alas-6:00 ng umaga sa Ninoy Aquino Terminal 3 ang isa pang flight na may lulang 35 repatriates mula Dubai at Lebanon. Sa bilang na ito, 21 ang OFWs at tatlo ang kapamilya mula Dubai, habang 11 naman ang OFWs mula Lebanon.
Binigyan naman ang mga repatriates ng financial assistance at medical assessment kung kinakailangan, ayon sa ahensya. Dave Baluyot