Home NATIONWIDE 10-B Pres’l aid sa magsasaka, mangingisda ipamamahagi na ng DA

10-B Pres’l aid sa magsasaka, mangingisda ipamamahagi na ng DA

127
0

MANILA, Philippines — Pormal nang sinimulan ng Department of Agriculture (DA) noong Miyerkules ang nationwide rollout ng P10-bilyong Presidential Assistance for Farmers and Fisherfolk Program (PAFFP), isang cash aid initiative na layong tumulong sa mga agricultural producer na apektado ng pabagu-bagong presyo ng krudo at gastusin sa produksyon.

Pinopondohan ito sa ilalim ng 2026 General Appropriations Act o Republic Act No. 12314, at nakatakdang magbigay ng tig-P2,325 sa mahigit 4.17 milyong benepisyaryo sa buong bansa.

Ayon sa DA, target ng programa ang maliliit na producer na pinakaapektado ng pagtaas ng presyo sa energy market. Upang maging kuwalipikado, dapat nakarehistro ang mga benepisyaryo sa Registry System for Basic Sectors in Agriculture (RSBSA) at sa National Program for Municipal Fishing Vessels and Gears Registration (BoatR) para sa municipal fishing.

Kabilang sa target beneficiaries ang rice farmers na may sinasakang dalawang ektarya pababa, corn at sugarcane farmers, at municipal fisherfolk na gumagamit ng motorized boats.

Sinabi ng ahensya na napapanahon ang ayuda dahil malaki ang itinaas ng gastos sa pagpapatakbo ng irrigation pumps, farm machinery, at fishing vessels bunsod ng pagmahal ng produktong petrolyo, na nagpapaliit sa kita ng mga manggagawa sa kanayunan.

“This financial assistance, while admittedly small, provides a lifeline for over 4.1 million Filipino farmers and fisherfolk hit hard by soaring petroleum product prices,” sabi ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr.

Ayon pa sa DA, sisimulan ngayong linggo ang unang tranche ng payouts sa Regions I, II, III, VI, at IX, habang inaayos pa ng ahensya ang master lists at distribution systems upang maiwasan ang bottlenecks at transparency issues na naranasan sa mga nakaraang malalaking ayuda program. Santi Celario

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here